Friday, June 12, 2020

ASISAKAPABA?: "KUNG HINDI PINATAY SI NINOY"

Ito na ang kahuli-hulihang kolum na nasa aking kalipunan ng "Asisakapaba" clippings. Di nagtagal pagkatapos nito ay lumipat na ako sa ibang publikasyon--bilang editor in chief ng National Midweek Magazine, kung hindi nagkakamali ang aking senior citizen memory. At halos dalawang taon pagkatapos lumabas ang kolum na ito ay nagwakas na ang batas militar ni Ferdinand Marcos sa Pilipinas.



ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Agosto 22-28, 1984

KUNG HINDI PINATAY SI NINOY?

Kung hindi pinatay si Ninoy noong Agosto 21, 1983, ano na kaya ang anyo’t hugis ng pulitikang Pilipino sa ngayon? Magkakaroon kaya sa ating mga kalye ng mga rali’t demonstrasyong nilalahukan ng libu-libo, daan-daang libo at milyon-milyong katao? Mamumukadkad kaya ang rebolusyong kompeti sa Makati? Lalahok kaya ang maraming burgis at panggitnang uri (middle class) sa mga aksiyong masa? Magtatalo kaya ang Oposisyon tungkol sa boykot at partisipasyon? Lulubha kaya ang krisis sa ekonomiya at pulitika?

Ang sagot ay depende sa iba pang posible gawin kay Ninoy. Sa tingin ni Ninoy mismo, may tatlo pang posibilidad: hindi siya gagalawin; ilalagay siya sa house o hospital arrest; o ibabalik siya sa bilangguan, malamang ay sa bartolina.

Kung hindi pinatay si Ninoy at sa halip ay pinabayaan na lamang siya ng naghaharing rehimen, malamang ay kakandidato siya o mangangampanya para sa mga kandidato sa Batasang Pambansa. Ewan ko lang kung makukumbinsi niya sina Senador TaƱada at Diokno na huwag magboykot, pero sa husay ng kanyang bokadura ay tiyak na mas marami siyang mahihila sa panig ng partisipasyon.

Kung hindi siya dadayain sa eleksiyon, tulad ng ginawa sa kanya noong 1978, tiyak na ngayon ay isa na siya sa ating mga MP o Mambabatas Pambansa. Baka sa tulong niya ay mas marami kaysa ngayon ang mahahalal na oposisyonista, pero pupusta ako na mananatili sa mayorya ang KBL [Kilusang Bagong Lipunan] sa Batasan. Pupusta rin ako na hindi bibitiwan ni Ginoong Marcos ang Amendment 6. Sa madaling salita, wala ring gaanong magagawa si Ninoy sa loob ng Batasan, bukod sa magtalumpati. Pero ang mga talumpati niya’y ni hindi malalathala sa malalaking peryodiko ng Establisimyento.

Kung hindi pinatay si Ninoy pero ipinasok siya sa bilangguan, o kaya’y ibinilanggo sa sarili niyang bahay o sa isang ospital, sa pagkakataong ito, palagay ko, magkakaroon ng malakas na protesta’t panawagang palayain si Ninoy Aquino. Di tulad noong unang pagkakabilanggo ni Ninoy, ngayon ay organisado na ang Task Force Detainees, MABINI [Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalism] at iba pang human rights organizations na lakas-loob na nagbibigay-pansin sa mga isyu ng di-makatwirang detensiyon, militarisasyon, panunupil sa mga demokratikong karapatan, atbp.

Habang nasa bilangguan si Ninoy, posibleng patuloy na lalawak ang kilusang protesta. Pero ang paglawak ay magiging dahan-dahan, utay-utay, paunti-unti—na siyang nangyayari bago napatay si Ninoy. At sa kilusang ito’y hindi gaanong masasangkot ang mga empleyado’t negosyante ng Makati; sa halip, ang mga kalahok ay manggagaling sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante, at ilang propesyonal na tulad ng guro, doktor, abogado, pari’t madre, at maging alagad ng sining—na pawang organisado na’t kumikilos bago pa man pinatay si Ninoy.

Kung hindi pinatay si Ninoy, paekstra-ekstra pa rin sa pelikula si Butz Aquino, pabliser pa rin ng magasing panturista si Max Soliven, walang prodyuser na magkakainteres sa Sister Stella L, at kung mayroon man ay hindi ito lulusot sa mga sensor, at hindi mauuso ang paghuhulog ng kompeti at pagwawagayway ng bandilang dilaw.

Gayunman, sinasabi ng mga ekonomista na pinatay man si Ninoy o hindi, talagang papabulusok na ang ekonomiya ng bansa. Ito’y dala ng pagsasamantala at di-makatarungang imposisyon ng IMF, World Bank at mga kompanyang multinasyonal, bagay na pinalala ng pangungurakot ng mga nasa poder at mga kroni nila. Pero sa tantiya ng mga ekonomista, kung hindi pinatay si Ninoy ay mararamdaman lamang natin ang krisis sa ekonomiya mga isa o dalawang taon mula ngayon.

Sapagkat sa malao’t madali ay lulubha ang krisis sa ekonomiya, sa malao’t madali ay tatamaan ng krisis ang mga burgis at panggitnang uri. Kaya, sa malao’t madali, posibleng masasangkot din ang mga ito sa kilusang protesta.

Saturday, June 6, 2020

ASISAKAPABA?: "HIGA SA HANGIN"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Agosto 1-7, 1984

HIGA SA HANGIN

Ewan ko kung bakit, pero hanggang ngayon ay hindi ko magawang sumulat tungkol sa dalawang taon kong “pagbabakasyon” sa bilangguang militar mula 1974 hanggang 1976.

Sa pelikulang Sister Stella L., bilang isa sa tatlong scriptwriter ay may naipakita akong kapiraso ng aking karanasan. Ang pahirap na ginawa ng goons kay Jay Ilagan ay batay sa nangyari sa akin. Ang kaibhan nga lamang ay hindi nakatali ang mga kamay at paa ko sa silya. Sa halip, pinaiskuwat ako habang ang lulod ko’y paulit-ulit na hinahampas ng yantok na tatangnan ng walis-tambo.

Bukod dito’y wala pa akong naisusulat na prosa tungkol sa buhay-detenido. Naisipan ko na lamang na isalin sa Pilipino ang sumusunod na sipi mula sa Report of an Amnesty International Mission to The Republic of the Philippines: 22 November – 5 December 1975:

“Si G. Lacaba ay sapilitang pinaiskuwat, at pagkatapos ay pinalo ang kanyang lulod ng yantok. Silang dalawa [kasama ng isa pang kasabay kong dinampot, ang mandudulang si Bonifacio Ilagan] ay pinaranas ng sistemang ‘higa sa hangin,’ kilala rin sa tawag na ‘San Juanico Bridge.’ Sa paraang ito ng tortiyur, ang biktima ay pinahihiga na ang ulo’y nakapatong sa gilid ng isang tarima, ang paa’y nakapatong sa gilid ng isa pang tarima, ang mga kamay at braso ay tuwid na nakalagay sa tagiliran at ang katawan ay ‘nakabiting parang tulay’ sa pagitan ng dalawang tarima. Ang dalawang bilanggo ay pinilit na manatili sa ganitong posisyon kahit na paulit-ulit silang bumabagsak. Lahat ng imbestigador, kasama ng iba pa, ay patuloy na sumusuntok at sumisipa sa kanila.

“Sa isa pang okasyon si G. Lacaba ay kinuwestiyon ni Tenyente P— ng 5th CSU. Pinapikit si G. Lacaba. Pagkatapos, isang kamay na sa palagay niya’y kay Tenyente P— ang paulit-ulit na humampas sa kanyang mga mata at batok. Sa iba pang pangyayari, sinikaran ni Sarhento R— si G. Lacaba sa dibdib, at ang tagiliran niya’y pinagsusuntok ni R— D— at dalawang sundalo…. Minsan, dinala siya sa Victoriano Luna Hospital sa Maynila… at ininiksiyunan ng tinawag niyang ‘truth serum,’ na ayon sa kanya’y naging sanhi ng pagsasalita niya nang parang lasing….

“… Ang patuloy na tratong brutal sa dalawang bilanggo ay tumagal nang pitong buwan pagkaraang maaresto. Mula Enero 1975, ito’y relatibong nabawasan ng tindi. Sinabi ni G. Lacaba na ang tratong brutal ay walang partikular na layunin, liban sa kagustuhang makasakit.”

Mahigit isang dekada na ang lumilipas mula nang maranasan ko ang tortyur na ito.

Isang buong libro tungkol sa tortiyur at sa dalawang taon ko bilang bilanggong pulitikal ang parang bombang tumitiktak sa loob ng aking utak, sa dulo ng aking mga daliri.

Balang araw, magkakalakas-loob akong humarap sa makinilya para pasabugin ang aking mga gunita.

Kung hindi ako pangingibabawan ng takot—o ng katamaran.

Friday, June 5, 2020

ASISAKAPABA?: "NUKLEAR"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hulyo 25-31, 1984

NUKLEAR

Sa pelikulang The Day After (na ipinapalabas sa Metro Manila habang sinusulat ito), makikita ang maaaring mangyari kung sakaling ang Amerika at Rusya ay maglunsad ng isang nuclear attack o salakay nuklear laban sa isa’t isa.

Nakakagimbal, nakakapanghilakbot, kalunos-lunos ang mga larawang inilalantad ng pelikula: mga bangkay na dagliang nangamatay; sunog at lapnos na balat; buhok na nalalagas; matang binulag ng nakasisilaw na liwanag na likha ng pagsabog ng bomba nuklear; mga gusaling gumuho, naglagablab, nagkadurog-durog na parang matsakaw.

Ayon sa mga gumawa ng pelikula, binawasan na nga nila ang kilabot. Sa totoong buhay, mas grabe pa ang pinsalang tinamo ng Hiroshima at Nagasaki nang bagsakan sila ng bomba atomika noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lalo pang grabe ang mga posibilidad sa panahong ito pagkat mas sophisticated at mas mapanganib ang mga sandatang nuklear na gawa ngayon, halos 40 taon pagkatapos ng pagkawasak ng Hiroshima at Nagasaki.

***

Ang pangyayaring inilarawan sa The Day After ay posible ring mangyari sa Pilipinas.

Sa pelikula, ang sinalakay ay isang bayan sa Estados Unidos na may base militar na pinag-iimbakan ng mga sandatang nuklear.

Dito sa atin, may ganyan ding mga base militar. Pangunahin na sa mga ito ang Clark Air Base sa Angeles, Pampanga, at ang Subic Naval Base sa Olongapo, Zambales. Bagamat itinatanggi ng mga Amerikano, maraming hudikasyon na may nakaimbak na mga sandatang nuklear sa nasabing mga base.

Kung sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng Amerika at Rusya, tiyak na kabilang sa mga unang-unang target ang Clark at Subic. Tiyak ang pagkawasak ng Angeles at Olongapo at ng kanilang mga karatig-pook.

***

Kahit hindi tayo bombahin ng Rusya, mayroon pa ring peligrong nuklear sa ating sinapupunan. Sa bayan ng Morong, Bataan, ay may itinatayong plantang nuklear.

Ayon sa Nuclear-Free Philippines Coalition (NFPC), ang planta sa Bataan ay mapanganib “hindi lamang sa punto ng mga di-inaasahang aksidente kundi sa punto na rin ng mga itinatapon nitong basurang nuklear… mga basurang tinaguriang ‘mga abo ng kamatayan,’ na nanatiling nakalalason sa loob ng 600 taon at radyoaktibo sa loob ng 250,000 taon.”

Dagdag pa ng NFPC:

“…ang mainit na tubig na iluluwa (ng plantang nuklear) ay magtataboy o papatay sa mga isda na siyang ikinabubuhay ng mga nakatira sa kanlurang baybayin ng probinsiya at maging ng mga mangingisda sa kalapit na siyudad ng Olongapo.

“Maaari ding magkabutas ang plantang nuklear at magpapasingaw ng nakalalasong sinag. Ang mga taong masisingawan nito ay maaaring mamatay kaagad, magkasakit ng kanser o magkaanak ng abnormal.

“Higit sa lahat, mapanganib ang plantang nuklear sa Bataan dahil sa nakatuntong ito sa isang lugar na malapit sa Bundok Natib, isang buhay na bulkan. Bukod pa rito, ito ay may kalahating kilometro lamang ang lapit sa isang seismological faultline, isang malalim na lamat sa lupa na malamang na pagsentruhan ng lindol.”

Thursday, June 4, 2020

ASISAKAPABA?: "BAKASYONG MAY PASOK"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hulyo 11-17, 1984

BAKASYONG MAY PASOK

Itong nakaraang Hulyo 4, Araw ng Pagkakaibigan ng Pilipino’t Amerikano, ay idineklarang isang working holiday.

Hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng working holiday. Ang holiday, ayon sa mga diksiyonaryo, ay pista opisyal, araw ng bakasyon, araw ng pahinga, araw na walang pasok, araw na walang trabaho, araw na walang klase.

Bakit kailangang tawaging holiday ang isang araw na mayroon namang pasok? Bakit hindi na lang special day, o natatanging araw, tulad ng Mother’s Day?

***

Kung naririnig ko ang praseng working holiday, naaalala ko ang mga programa sa telebisyon sa sinasabing live delayed telecast. Karaniwan itong ginagamit sa mga boksing na ibinobrodkas via satellite mula sa ibang bansa, pero kamakailan ay nabasa ko ito sa isang kolum: “The Academy Awards rites tonight will be covered live (slightly delayed)…”

Tulad ng working holiday, isang delayed telecast na live ay parang contradiction in terms—magkasalungat ang kahulugan ng mga salitang sapilitang pinag-ugpong.

***

Ano’t anuman, hindi ko rin naman maintindihan kung bakit kailangang gawing espesyal na araw ang Fil-American Friendship Day. Wala naman tayong araw para sa pagkakaibigan ng Pilipino’t Espanyol, Pilipino’t Hapon, Pilipino’t Tsino, atbp.

Napaghahalata tuloy na kahit binago na natin ang ating Araw ng Kalayaan, nakakapit pa rin tayo sa pundilyo ni Uncle Sam.

***

Alam kong sa karaniwang kalakaran ay maaaring magbago ang kahulugan ng salita. Ito’y batas ng lingguwistika. Sa Ingles, halimbawa, ang kahulugan lamang noong araw ng salitang villain ay “isang magsasakang nakikisama sa asyenda o villa,” pero nang lumaon ay nagkaroon ito ng kahulugang “kontrabida.” Sa Tagalog, ang salitang magbugaw—na ang orihinal na kahulugan ay “magtaboy”—ay nagkaroon ng karagdagang kahulugan na “manghikayat ng kostumer para sa puta.” Nabaligtad ang kahulugan.

Ang ganitong pagbabago ng kahulugan ay karaniwang nangyayari sa mahabang panahon, sa loob ng maraming henerasyon. Pero mas mabilis yata ang nagaganap na pagbabago sa ating Bagong Republika. Nariyan na nga ang halimbawa ng holiday. Mababanggit pa ang salvage, na sa Ingles ay nangangahulugang “iligtas” pero dito sa atin ay nangangahulugang “iligpit, yariin, tepokin, dedbolin, patayin.”

***

Makikita sa susunod na mga klasikong pangungusap ang ilang salitang nagkaroon ng panibagong kahulugan sa ating panahon at bayan:

“Walang bilanggong pulitikal sa Pilipinas.”

“Walang sinumang pinahirapan (tortured).”

“Hindi magkakaroon ng debalwasyon.”

“Hindi tataasan ang presyo ng langis.”

“Anong krisis? Walang katulad ang kasaganaang tinatamasa natin ngayon!” (We never had it so good!)

Wednesday, June 3, 2020

ASISAKAPABA?: "PARONOMASIAMANIA"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hulyo 4-10, 1984

PARONOMASIAMANIA

Kakatwa na walang salitang Tagalog para sa pun o paglalaro-laro sa tunog ng salita. Mahilig sa ganitong paglalaro ang mga Pilipino, pero ang mga Tagalog (ewan ko lang ang ibang kabayan natin) ay walang eksaktong katumbas para sa ganitong tipo ng sistihan.

Sa Ingles, bukod sa salitang pun ay mayroon pang salitang paronomasia—na nangangahulugang punning. Ang paronomasiamania naman sa ating pamagat ay sobrang pagkahilig sa pun.

***

May kilala akong barkada ng mga manunulat na tomador na lokong-loko sa punning—sa mahabang salita, may sakit na paronomasiamania.

Noong kasikatan ng kantang “Laki sa Layaw; Jeprox” ni Mike Hanopol, nagkatuwaan ang barkadang ito at nakaimbento ng kuwago de kakuwanan. “Bakit jeprox ang abugado?” may nagtatanong; at ang mga tinatanong ay nag-iisip ng sagot na malapit-lapit, kahit pilit, sa tunog ng praseng “laki sa layaw.” Kaya sa tanong tungkol sa abugado, ang sagot ay: “Laki sa laway.”

Narito ang iba pa nilang kakornihan:

Bakit jeprox ang maton? Laki sa away.
Ang embalsamador? Laki sa lamay.
Ang pintor? Laki sa kulay.
Ang yogi? Laki sa gulay.
Ang magsasaka? Laki sa palay.
Ang masokista? Laki sa latay.
Si J.Q. (ang kolumnistang si Joe Quirino)? Laki sa T.Y.

***

Nang mamatay si Ninoy Aquino at nauso ang islogang “Hindi ka nag-iisa” (isang islogang unang ginamit ng Pahayagang Malaya), nagkasistihan na naman ang barkada.

Ang tanong naman ngayon ay: “Ano ang islogan ng…?” at ang sagot ay isang pun sa “Hindi ka nag-iisa.”

Halimbawa:

Ano ang islogan ng maybahay na nahihirapang badyetin ang suweldo ng asawa? Hindi ka naggigisa.

Ng henerasyon ng mga batang lumaki sa telebisyon? Hindi ka nagbabasa.

Ng magulang na mabait sa anak? Hindi ka nagbubusa.

Ng estudyanteng laging absent sa klase? Hindi ka pumapasa.

Ng duwag? Hindi ka kumakasa.

Ng basketbolistang suwapang sa bola? Hindi ka nagpapasa, hindi ka nag-iitsa.

***

Ang pun ay isang bagay na hindi maisasalin sa ibang wika. Paano mo isasalin sa Ingles, halimbawa, ang advertising line na ito ng yumaong magasing Ermita: “golpe de sulat”?

At paano mo naman tatagalugin ang ganito: “a cannonball took off his legs, so he laid down his arms”?

Tuesday, June 2, 2020

ASISAKAPABA?: "LISENSIYANG PUMATAY"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hunyo 27-Hulyo 3, 1984
[TALA: PANAHON PA NI FERDINAND MARCOS NANG LUMABAS ANG KOLUM NA ITO. HINDI PA PANAHON NG TOKHANG.]

LISENSIYANG PUMATAY

Binuhay na naman ang mga pangkat ng tinatawag na secret marshals.

Pinapatay na naman ang ayon sa mga diyaryo’y kriminal na nahuhuli sa akto—pinapatay nang walang habla at walang paglilitis.

***

Ayon sa secret decrees, kamatayan o habang-buhay na pagkabilanggo ang hatol sa mga sumasali sa mga demonstrasyon at nagsasalita laban sa gobyerno.

Ayon sa secret marshals, kamatayan ang dagliang parusa pati sa mga magnanakaw at holdaper.

***

Palagay ko’y bahagi ito ng programa ng pagtitipid ng kasalukuyang rehimen.

Sa kataasan ng mga presyo ngayon, mas murang patayin na lamang at ipalibing ang mga diumano’y kriminal kaysa bistahan sila at ikalaboso.

***

Lahat ng bagay ay tinamaan na ng debalwasyon sa ilalim ng rehimeng ito. Pati buhay ng tao.

***

Kapitbahay ko ang artistang si Angie Ferro, at sa tuwi-tuwina’y sumasagsag siya sa amin para ibulalas ang kanyang galit o pagkabahala sa mga nangyayari sa lipunan ngayon. Nabagabag siya nang husto sa balita tungkol sa secret marshalls at dahil dito’y sumulat ng bukas na liham sa Pangulo.

Narito ang ilang sipi mula sa liham ni Angie:

“Ang pagnanakaw per se, kailanman ay di ko sinasang-ayunan dahil ito’y isang di-makatarungang pag-angkin ng pinagpagurang paggawa ng iba. Dapat lamang na ang bawat tao ay mabuhay sa sarili niyang paggawa. Bilang isang pasahero, pinasasalamatan ko ang pagmamalasakit na ito sa aming kapakanan. Ang pinagpaguran ko ay mahalaga para sa mga pangangailangan ko at ng aking pamilya para mabuhay. Ganoon pa man, naniniwala po akong pinakamahalaga, higit sa anupaman, ang buhay ng tao…

“Kung basta na lang natin ipababaril ang tao, sa akin pong palagay, we are not only doing a great injustice to man dahil, hindi lamang sa inaalisan natin siya ng karapatang magtanggol sa sarili, kundi inaalisan din natin siya ng pagkakataong makapag-bagong-buhay.

“Ipinakikiusap ko po bilang tao at mamamayang Pilipino na huwag ipagpatuloy ang order na shoot-to-kill sapagkat, sa aking palagay, ito’y hindi lamang inhuman kundi tahasang anti-human.”

***

Sa kanyang liham, binanggit din ni Angie Ferro ang ilang probisyon sa Bill of Rights o Patalastas ng mga Karapatan sa ilalim ng Konstitusyong 1973, gaya ng sumusunod:

“Walang tao na babawian ng buhay, kalayaan o ari-arian nang walang nararapat na proseso (due process) ng batas, ni hindi rin dapat ipagkait sa sinuman ang pantay-pantay na proteksiyon ng mga batas.”

“Sa lahat ng kriminal na pagsasakdal, ang akusado ay itinuturing na walang-kasalanan hanggat hindi napatutunayan ang kabaligtaran, at siya’y may karapatang marinig siya at ang kanyang abogado, masabihan tungkol sa kalikasan at dahilan ng akusasyon laban sa kanya, magkaroon ng mabilis, walang-kinikilingan at bukas-sa-publikong paglilitis, humarap sa mga testigo, at magkaroon ng sapilitang proseso na mapadalo ang mga testigo at makapaglabas ng ebidensiya para sa kanyang kapakanan.

***

Sa madaling salita, sa ilalim ng mismong Konstitusyon ng rehimen ay bawal ang ginagawa ng secret marshals ng rehimen.

ASISAKAPABA?: "O PAG-IBIG"

ASISAKAPABA?
Ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hunyo 20-26, 1984


O, PAG-IBIG

Ngayong Hunyo, araw diumano ng mga kasalan, naalala ko ang isang nakita kong dekorasyon sa isang pampasaherong dyipni. “O pag-ibig! Masdan ang ginawa mo!” ang nakasulat. Katabi nito ang drowing ng isang babaeng buntis.

***

Isang kilala kong pabling na nakipagkalas sa siyota niya noong isang taon ang tumanggap ng mapanlibak na liham mula sa kanyang kinalasan. Narito ang buong liham (at sumusumpa akong hindi ko ito inimbento):

Walang Petsa
Walang Taon
Walang Wala

Mahal kong Ikaw na nga,

Bago ang lahat, Ikaw lang ang luma. Ang sulat na ito ay para sa iyo at hindi para sa akin. Ang liham na ito ay ipapadala ko ng Lunes, matatanggap mo ng Martes, babasahin mo ng Miyerkoles, sasagutin mo ng Huwebes, ibabalik mo sa akin ng Biyernes, at babasahin mo ng Sabado at Linggo. Bahala ka sa buhay mo.

Kalungkutan mo, kalungkutan ko rin. Kamatayan mo, solohin mo. Hindi pa ako tanga na sasama sa iyo. Pogi ka sana kung hindi ka pangit. Sunduin mo ako sa amin at hihintayin kita sa inyo.

P.S…. “I hate you.” Kung susulat ka sa akin, ito ang address ko,

Barrio di Makita
Hinahanap Street
Di Matagpuan City
Hanggang dito na lamang, dahil tapos na…

***

Ang pag-ibig, ayon kay Ambrose Bierce sa kanyang librong The Devil’s Dictionary, ay “isang pansamantalang kabaliwan na nagagamot ng kasal o ng paglalayo ng pasyente mula sa mga impluwensiyang nagdulot ng sakit.”

Ayon naman kay Walter Lippmann, “Ang pag-ibig ay tumatagal lamang kung ang mga nag-iibigan ay umiibig sa maraming magkakatulad na bagay at hindi lamang sa isa’t isa.”

Kahawig ito ng sinabi ni Antoine de St. Exupery: “Ang pag-ibig ay ay hindi pagtitinginan lamang sa isa’t isa kundi magkasabay na pagtanaw nang papalaban sa iisang direksiyon.”

***

Ang kasal, ayon kay Beverly Nichols, ay “isang libro na ang unang kabanata ay nasusulat sa poesiya at ang mga nalalabing kabanata ay sa prosa.”

Ito naman ang pakahulugan ni Laurence J. Peter: “Ang kasal ay isang sweepstakes na kapag natalo ka ay hindi mo puwedeng pilasin ang tiket.”

Sunday, May 31, 2020

ASISAKAPABA?: "NAGLULUWAG ANG CENSOR?"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hunyo 6-12, 1984


NAGLULUWAG ANG CENSOR?

Inaprubahan kamakailan ng Board of Review for Motion Pictures and Television (BRMPT) ang pelikulang bold na Naked Island. Inaprubahan din nito ang dalawang pelikulang may sensitibo at kontrobersiyal na paksa, mga pelikulang tumatalakay sa mga pangkasalukuyang problemang panlipunan: ang Bangkang Papel sa Dagat ng Apoy at ang Sister Stella L.

Ang mga ito ba’y palatandaan na hindi na masyadong mahigpit ang censors? Na nagiging liberal na ang kanilang pananaw hindi lamang sa kuwestiyon ng seks at karahasan, kundi pati sa mga isyung pulitikal?

Mas tama sigurong sabihin na dalawahan ang patakaran ng BRMPT. Hindi alam ng kanang kamay nito kung ano ang ginagawa ng kaliwa. Habang nagluluwag sa ilang bahagi ay naghihigpit naman sa iba. Sa ibang sabi, umiiral pa rin ang dati nang inirereklamong pagiging arbitraryo, kapritsoso, inkonsistent at pabago-bago.

Malinaw na halimbawa ng ganitong klaseng patakaran ang nangyayari sa programang pantelebisyon na Two for the Road (TFTR).

Noong Pebro 20, ang live presentation ng TFTR ay tungkol sa “Committed Clergy.” Kinapanayam sa programa ang isang madre at dalawang pari, sina Sister Mariani Dimaranan, Fr. Jose Dizon at Fr. Art Balagat.

Walang anumang lumabas na reklamo tungkol sa panayam. Marami pa ngang humiling na muli itong ipalabas. Bilang pagtugon sa insistent popular demand, ipinasiya ni Maria V. Montelibano, direktor at co-producer ng TFTR, na i-replay ang palabas.

Dito nagsimula ang gulo.

Alinsunod sa patakaran ng BRMPT, ang live presentation ay hindi pinapakialaman, pero kapag nagkaroon ng replay ng naturang live presentation, ang videotape ay kailangang rebyuhin ng Board.

Noong Marso 15, ang videotape ay dumaan sa isang komiteng binubuo nina Justice Francisco Chanco, Reverend Ezekias Gacutan, Mrs. Nelia Lutao at Santanina Rasul. Pinatanggal ng komite ang “lahat ng diyalogo tungkol sa paninindigang boykot,” ang banggit sa “gobyernong manloloko,” at ang mga “pahayag tungkol sa mga pinagsasamantalahan, inaapi, atbp.”

Sinunod ni Montelibano ang mga instruksiyon ng BRMPT. Lahat ng parteng pinatatanggal ay tinanggal niya at pinalitan ng Blip! Nag-superimpose din siya ng ganitong pahayag sa TV screen: “This portion has been censored by the BRMPT.”

Nagalit ang BRMPT sa ginawang ito ni Montelibano. Pinatatamaan daw at hinihiya ang censors. Noong Mayo 16, sinulatan ni Maria Kalaw Katigbak ang Channel 7, na pinaglalabasan ng TFTR, at sinabi rito na mula sa petsang iyon ay kailangang laging i-preview ang naturang programa bago ito mabibigyan ng permit.

Umangal si Montelibano at ang dalawang host ng programa, sina Elvira Manahan at Nestor Torre. Lumilitaw sa sulat ni MKK na hindi na puwedeng maging live ang TFTR. Maiiba kung gayon ang format nila. At kung masusunod ang kagustuhan ni MKK, namemeligro ang lahat ng live talk shows sa telebisyon.

Dahil sa reklamo nina Montelibano, umurong ang BRMPT. Puwede na rin daw mag-live ang TFTR. Kailangan na lang daw na paabruhan sa censors ang paksang tatalakayin sa bawat programa.

Tumutol pa rin ang grupo ng TFTR. Malinaw nga naman na ang panibagong rekisitos ay isa pa ring mapaniil at arbitraryong patakaran. Hindi ito nakasulat sa Executive Order 876-A (ang kasalukuyang censorship law) o maging sa implementing rules and regulations ng BRMPT mismo.

Sa ngayon, puro replay ang ipinapalabas sa Two for the Road. Sa ganitong paraan, ipinapakita nina Montelibano ang kanilang patuloy na protesta sa di-makatwirang sensura sa telebisyon sa partikular at sa midya sa kabuuan.

Wednesday, May 27, 2020

SALINAWIT NG "IMAGINE" SA PANAHON NG COVID

NOONG 19-kopong-kopong, napagtripan ko ang paggawa ng mga adaptasyon sa wikang Pilipino ng mga awiting dayuhan. Salinawit ang itinawag ng kapatid kong si Billy sa mga adaptasyong iyon. Isa sa mga ginawan ko ng salinawit ang "Imagine," kanta ng Beatles na ang lyrics at musika ay kay John Lennon. Eto iyong salinawit ko.

ISIPIN MO
Sa himig ng “Imagine”
Orihinal na titik at tugtugin ni John Lennon
Salinawit: Pete Lacaba

Isipin mong walang langit.
Magagawa mo ’yan.

Wala ring impiyerno

O kabilang-buhay.
Ang buhay mo ay narito
 Sa ibabaw ng mundo...

Isipin mong walang bayan.
Mahirap bang gawin?
Wala na ring digmaan,
Walang paninikil.

Isipin mong payapa na
Ang buong mundo...
Yoohoooooo!

Ako ba’y nangangarap?
Hindi ako nag-iisa.
Sumama ka sa amin.
Ang mundo’y pag-isahin.

Isipin mong ang yaman
Ay di sinasamba.
Walang mga gahamang
Nagsasamantala.
Pantay-pantay ang tao
Sa buong mundo...
Yoohoooooo!

Ako ba’y nangangarap?
Hindi ako nag-iisa.
Sumama ka sa amin.
Ang mundo’y pag-isahin!


Ngayong panahon ng Modified Enhanced Community Quarantine (Modified ECQ) dito sa Quezon City, naisipan kong gumawa ng naiiba namang salinawit--isang parody version. Eto siya:

ISIPIN MONG WALANG COVID
Sa himig ng “Imagine”
Parody Salinawit: Pete Lacaba

Isipin mong walang covid.
Magagawa mo ’yan.
Wala nang quarantingting
O social distancing.
Ang buhay mo ay simple lang,
Wala nang face mask diyan…

Isipin mong walang Wuhan.
Mahirap bang gawin?
Wala na sanang lockdown
Sa barangay natin.
Isipin mong sumemplang na
Ang veerus sa mundo…
Yoohoooooo!

Ako ba’y nangangarap?
Hindi ako nag-iisa.
Sumama ka sa amin.
Ibagsak ang quarantine!

Isipin mong ang distancing
Ay di na po sosyal.
Puwede ka nang bumeso
Sa kahit sino diyan.
Isipin mong sumemplang na
Ang veerus sa mundo…
Yoohoooooo!

Ako ba’y nangangarap?
Hindi ako nag-iisa.
Sumama ka sa amin.
Ibagsak ang quarantine!


Thursday, May 21, 2020

ASISAKAPABA: "TODAS!"

ASISAKAPABA?
Ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Mayo 30-Hunyo 5, 1984


TODAS!

Di kukulangin sa 24.6 bilyong dolyar ang kasalukuyang pagkakautang ng Pilipinas sa mga dayuhang bangko at gobyerno.

Sa opisyal na palitang P14-sa-$1, lumalabas na bawat Pilipino—bata man o matanda, lalaki o babae—ay nagkakautang ng di kukulangin sa P7,000.

***

Noong 1965, nang maging Presidente ang kasalukuyang Bosschief ng bansa, ang ating utang sa dayuhan ay 600 milyong dolyar lamang.

Noong 1945, ang ating utang sa dayuhan ay 60 milyong dolyar. Samakatuwid, sa 20 taong panunungkulan nina Roxas, Quirino, Magsaysay, Garcia at Macapagal, 540 milyong dolyar ang nadagdag sa ating utang sa dayuhan.

Kayo na ang bahalang magkuwenta kung magkano ang nadagdag sa ating utang sa dayuhan mula 1965 hanggang 1984.

***

Nauuso sa ibang bansa ang paggamit ng mga robot sa pabrika. Mahigit 25,000 ang kasalukuyang gumagawa ng mga trabahong paint spraying, grinding, spot welding, atbp. Mahigit na kalahati ng bilang na ito ang nasa Japan. Ang Japan din ang nagmamanupaktura ng 45 porsiyento ng mga robot sa buong daigdig.

Tuwang-tuwa ang mga employer sa mga robot sapagkat ang mga ito’y hindi napapagod, hindi naiinitan, hindi giniginaw, hindi nagrereklamo, hindi nag-uunyon, hindi nagwewelga.

***

Minu-minuto, dalawang sanggol ang isinisilang sa Pilipinas.

***

Ang kasalukuyang Interim Batasang Pambansa, sa buong panahon ng panunungkulan, ay nakapaglabas ng 871 batas. Ang mahigit 700 pa nito ay mga batas na nagbabago ng mga pangalan ng kalye, lumilikha ng mga bagong baranggay, naglilipat ng mga sityo.

Sa kabilang dako, si Bosschief ay nakapaglabas ng 1,905 na presidential decrees, letters of instruction at executive orders. Lahat ng ito’y bahagi na ng batas ng bansa.

***

Ang mga lugar na may pinakamaikling pangalan sa buong mundo ay ang nayon ng Y sa Pransiya, ang nayon ng A sa Norway, ang pulo ng U sa Caroline Islands at ang bayan ng O sa Japan.

Ang lugar na may pinakamahabang pangalan na ginagamit pa hanggang ngayon ay ang Taumatawhakatangihangakoauauotamateaturipukakapikimaungahoronukupokaiwhenuakitanatahu sa New Zealand. May 85 letra ang pangalang iyan, kung hindi ako nagkamali ng pagmamakinilya. Ang ibig sabihin ng pangalang iyan: “ang lugar kung saan si Tamatea, ang lalaking may malaking tuhod na nadulas, umakyat at lumunok ng bundok, ay tumugtog ng plawta para sa kanyang minamahal.