Sunday, March 31, 2013

Kakuwanan 2 BAYAN KO: LABAN O BAWI?


KAKUWANAN 2
Ni Jose F. Lacaba


Bayan Ko: Laban o Bawi?

may mga kaibigan at kakilala akong nag-iisip nang mangibang-bayan. Hindi naman sila mga Amboy na may mental colony, at ang ilan pa nga sa kanila ay magiting na lumaban sa dalawang People Power Revolution sa Edsa. Pero nitong mga nakaraang araw, seryosong pinag-aaralan ng mga kaibigan at kakilala kong ito ang posibilidad na mag-immigrate sa Canada o Australia.

Kung baga, pagod na sila sa laban, bawi na ang gusto nila.

Hindi ko naman sila masisi. Ibon mang may layang lumipad, kapag matagal-tagal nang nakakalanghap ng makamandag na hangin dito sa ating bayang magiliw, ay makakaisip na talagang mag-alsa-balutan at mag-TNT.

At hindi sila nag-iisa, o nag-iisandaan, o nag-iisang milyon. Ayon sa pinakahuling survey ng Weather-Weather Station, 69 porsiyento ng ating mga kabataan—at siyento-porsiyento ng mga sidewalk vendor at ng mga presong nahatulan ng kamatayan—ay ayaw nang maging Pilipino. Mas gusto nilang maging Men in Black. O kaya’y X-Men. O kahit na Hobbit.

Ang 30 porsiyento naman, ayon pa rin sa nasabing survey, ay gustong sumapi sa Yaya Sisterhood. Mas malaki kasi ang kita sa pag-aalaga ng isang uhuging sanggol sa Hongkong kaysa pagtuturo ng 50 uhuging bata sa ilalim ng punong mangga sa Barangay Bagong Bakuna.

Gayunman, lumalabas sa survey na may isang porsiyentong nakalaan pa ring manatili sa ating lupang tinubuan. Ito’y binubuo ng mga sumusunod na sektor: pulitiko, kidnap-for-ransom gang, Abu Sayyaf, at SWAP (Samahan ng mga Walang Atik at Pamasahe).

“Wala na talagang pag-asa ang Pilipinas, sa kabila ng dalawang Edsa at isang Diosdado Macapagal Avenue,” himutok ng mga nawalan na ng pag-asa.

Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ng paglaganap ng kawalang-pag-asa ang sumusunod: di-masawatang krimen, di-kinokolektang basura, di-makontrol na polusyon, sobrang trapik, walang-tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at galunggong, kawalan ng hanapbuhay, paghihigpit sa mga pelikulang bold, at pagpapakasal ni Assunta kay Kongresista Jules.

Takang-taka ang mga kaibigan ko’t kakilala kung bakit pinipili kong dito pa rin manirahan sa loob ng bayan nating sawi. Ang una nilang tanong ay: “Bakeeet?!” At ang ikalawa’y: “Is that your final answer? Do you sure?”

Ganito ang sagot ko sa kanila.

Sa ganang akin, mas masarap pa ring mabuhay sa Pilipinas dahil exciting ang buhay dito, hindi boring. Kung masyadong plantsado ang bawat araw at gabi mo, kung sukat na sukat ang bawat oras mo mula sa pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi ng bahay, mamamatay ka sa antok. Samantalang dito sa atin, makapigil-hininga at makabagbag-damdamin at puno ng misteryo ang bawat sandali, tulad sa telenovela.

Paglabas mo ng bahay, hindi ka nakatitiyak na walang aagaw sa cellphone mo. Pagtulog mo sa gabi, hindi ka nakatitiyak na walang magtatanggal sa side-view mirror ng kotse mo.

Kahit superbilyonaryo ka at marami kang security, tulad ni Kongresista Imee Marcos, puwede ka pa ring mabiktima ng akyat-bahay. At kahit superpobre ka at walang mananakaw sa bahay mo, tulad ng mga taga-Payatas, puwede namang mabagsakan ng bundok ng basura ang barungbarong mo.

Sa madaling salita, kung narito ka sa Pilipinas, para kang laging nakakapanood ng palabas sa circus. Marami kang makikitang naglalakad sa alambreng tinik, at kabilang sa makikita mo ay ang iyong sarili.

At saka, marami namang magagandang nangyayari sa ating bayan. Sa kabila ng kapalpakan at kasuwapangan ng maraming taong-gobyerno, mayroon namang gumagawa ng kabutihan. Halimbawa, sa Iloilo ay ipinagbawal na ng alkalde ang bikini car wash. Sa gayon, napangalagaan niya ang dangal, puri, at kalusugan ng kababaihan. Nawalan nga ng trabaho ang mga nakabikining kumikita noon ng P400 isang araw, pero hindi na sila sisipunin. Kung ipasiya nilang magputa na lang, baka mas malaki pa ang kanilang kitain.

Salamat din sa pangangalaga sa moralidad na ginagawa ng mga taong-simbahan, hindi ka na makakabili ngayon ng condom sa 7-11 at iba pang convenience store. Posibleng lalong lumaganap ngayon ang AIDS sa Pilipinas, o kaya’y maraming mabubuntis na hindi puwedeng magpalaglag, pero kasalanan nila iyon. Mahilig kasi silang manood ng Joyce Jimenez sa Pasay, e di, ayan, impiyerno sa lupa ang bagsak nila.

Kahit ano pa ang sabihin tungkol sa Pilipinas, grabe rin naman ang kalagayan sa ibang bansa.

Sa New York, halimbawa, kabubukas lang ng Museum of Sex. Diumano, mayroon itong layuning historikal at edukasyonal, at ipakikita nito ang “sexual landscape” sa pamamagitan ng retrato, poster, painting, libro, at pelikula, na mangyari pa ay puro malaswa at mahalay sa paningin ni Cardinal Sin.

Alam ba ninyo ang implikasyon ng ganitong Museum of Sex? Lalo pang mapapariwara ang maraming kalalakihang Amerikano, na pagkatapos ay magsusundalo, at pagkatapos ay ipapadala sa Pilipinas para sa Balikatan, at pagkatapos ay magsisilang ng isa na namang henerasyon ng mga walang-tatay na tisoy at tisay, na pagkatapos ay kukuning artista ni Kuya Germs at sa kalaunan ay magiging bold star, na pagkatapos ay pupukaw sa makamundong pagnanasa ng mga manonood, na  paglabas ng sinehan ay manggahasa ng unang babaeng makikita nila, na dahil walang condom ay magsisilang ng sanggol na may AIDS, at pagkatapos…

Diyos na mahabagin! Wala na bang katapusan ang trahedya ng sambayanang Pilipino?

Teka muna, bawi na rin yata ako. May mapapasukan kaya ako sa Timbuktu?

“KAKUWANAN” 2
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Nobyembre-Disyembre 2002


Tuesday, March 19, 2013

KAKUWANAN 1: PADRE PIO AT PADRE DAMASO


Noong 2002, may naglabas ng isang magasing estilong FHM, pero sa wikang Pilipino. Kalye Media ang pabliser, at ang pangalan ng magasin ay Maximo: Ang Magasin ng Makabagong Macho. Nahilingan ako ng patnugot na si Allan Hernandez na magkolum sa magasin. Narito ang una kong kolum sa kauna-unahang isyu.

Hindi ko alam kung sino ang illustrator ng artwork sa itaas, na lumabas sa isang spread kasama ng mismong kolum (ibaba). Nakalimutan yata siyang bigyan ng credits. Sa “Laman-loob,” o Table of Contents, ito ang sinulat ng patnugot tungkol sa kolum: “Sa buena manong kolum ni Jose F. Lacaba, animo'y sa kanya nangumpisal ang mga paring nagkasala.”

KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba


Si Padre Pio at si Padre Damaso

Dalawang mukha ng Katolisismo ang tumambad sa madlang pipol nitong mga nakaraang araw.

Ang una ay ang mukha ni Padre Pio, ang mukha ng kabanalan. Si Padre Pio ay isang paring Italyano na namatay noong 1968, at ngayon ay itinanghal nang santo. Noong buhay pa siya, milagrosong lumabas sa kanyang mga paa’t kamay ang tinatawag na stigmata—mga sugat na kahawig ng kay Kristo nang ipako sa krus.

Ang ikalawa ay ang mukha ni Padre Damaso, ang mukha ng kahalayan. Si Padre Damaso ang prayleng Espanyol na ama pala ni Maria Clara sa nobelang Noli Me Tangere. Inimbento lang ni Jose Rizal si Padre Damaso, pero malinaw na batay siya sa mga totoong tao. Alam nating totoo dahil hanggang ngayon ay may mga Padre Damaso pa sa ating paligid.

Eto pa ang isang imbento na may “butil ng katotohanan,” eka nga. Isa itong joke na ewan ko kung narinig na ninyo, tungkol sa isang pari na may kung anong sakit na grabe.

Doktor: Padre, me magandang balita at me masamang balita. Ang masamang balita ay ito—meron kang isang pambihira at kakaibang sakit sa bayag. Pero ang magandang balita naman ay—me gamot diyan. Kaya lang, hindi ko alam kung puwede mong gawin.

Pari: Ano ang gamot, Dok?

Doktor: Sex, Padre. Kailangan mong makipagtalik sa isang babae.

Pari (saglit na mag-iisip): Payag ako, Dok. Pero sa apat na kondisyon. Una, kailangang bulag siya—para hindi niya makita kung kanino siya nakikipagtalik. Ikalawa, kailangang bingi siya—para hindi niya marinig kung sino ang kanyang kasiping. Ikatlo, kailangang pipi siya—para mahulaan man niya kung sino ang katalik niya ay hindi niya ipagsasabi sa kahit sino.

Doktor: At ang ikaapat na kondisyon?

Pari: Malaki ang boobs.

Naalala ko ang joke dahil sa mga sex scandal na hanggang ngayon ay yumayanig sa Simbahang Romano Katoliko. Araw-araw na lamang yata na ginawa ng Diyos ay may napapabalitang pari na sabit sa mga isyu ng kamunduhan. O gamitin na natin ang bastos pero mas angkop na salita: kalibugan.

Malaking isyu ito sa Estados Unidos. May mga pari nang ikinulong, isinakdal, inalis sa pinaglilingkurang parokya, ibinulgar sa midya, o nagpatiwakal dahil sangkot sa pedophilia, homoseksuwalidad, pakikiapid, pakikipagtalik, at iba pang makamundong aktibidades. Lumalantad ang kanilang mga naging biktima para magreklamo o humingi ng danyos—pati na ang ang kanilang mga anak o inanakan, na humihingi ng sustento o kahit man lang pagkilala.

Dito sa atin, may mangilan-ngilang nabubulgar at nababanderang pari na mahilig sa luto ng Diyos, eka nga. At hindi lang tikim ang ginagawa nila kundi lamon. Pero ang karamihan sa kanilang mga biktima ay nananatiling bulag, pipi, at bingi. Kasi naman, baka ang mga biktima pa ang masisi. Baka sila pa ang lumabas na masama, dahil inakit nila ang mga pari, tinukso nila ang mga huwaran ng kabanalan, ibinuyo nila sa masama ang mga sugo ng Panginoon.

Sabi nga sa librong Urbana at Felisa, ang gabay sa kabutihang-asal noong bata pa si Sabel, mamintana lang ang babae ay nagbibigay na siya ng dahilan para magkasala ang kalalakihan. E, iyon pa kayang pupunta siya sa kumpisalan para ibulatlat ang mga kasalanang naglalaro sa kanyang isipan o gumagapang sa kanyang katawan?

Ang mga manang ay mas nababahala sa mga pelikulang tulad ng Live Show kaysa totoong live show na nagaganap sa likod ng simbahan at loob ng kumbento. Nagrali sila sa Senado at sa opisina ng MTRCB, at mayroon pa nga riyang paring mahilig sa sando at shorts na tumakbo sa mga motel at nambulahaw, para kondenahin ang malalaswang pelikula at malilibog na mamamayan. Pero hindi yata nila pinoproblema ang malibog  at malaswa sa hanay ng kaparian.

Baka rin naman bale-wala sa marami sa atin ang mga kabulastugan ng mga Padre Damaso. Hindi natin sila inaasahang maging anghel o santo. Kung nagawa nating ihalal na pangulo ang isang bantog at lantarang babaero, nagagawa rin siguro nating tanggapin ang mga paring nahihirapang tumupad sa panatang manatiling soltero o donselyo.

Kung sa bagay, dapat ding pag-ibahin ang mga Padre Damaso at ang mga Padre Abuso.

Ang pedophilia, o seksuwal na paggamit sa menor de edad, ginusto man ng menor o hindi, binayaran man ito o hindi, ay itinuturing na seksuwal na pang-aabuso—at isa itong krimen sa maraming makabagong bansa sa ngayon. Ang panggagahasa at ang sexual harassment ay mga krimen din.

Sa kabilang dako, ang pambababae ni Padre Damaso, gayundin ang panlalalaki ng kanyang kabarong si Padre Damasita, kung wala namang nangyaring pamimilit, ay hindi krimen sa ilalim ng batas ng estado—bagamat itinuturing na kasalanan sa doktrinang Katoliko. Sa ilang pundamentalistang grupong Kristiyano, karumal-dumal na kasalanan ang kabadingan, pero puwedeng mag-asawa ang pastor o ministro sa mga simbahang Protestante. Katunayan, may-asawa ang karamihan sa mga apostoles ni Kristo, kabilang na si San Pedro, ang kauna-unahang Santo Papa.

Si Padre Pio mismo, noong nabubuhay pa, ayon sa isang ulat, ay pinagbintangang gumamit ng kanyang popularidad para “makakuha ng mga seksuwal na pabor mula sa mga babaeng penitente.” Ewan ko kung ano ang ibig sabihin niyan. Pero malinaw na puwede kang maging santo kahit nadapa ka sa isang yugto ng iyong buhay. Patunay niyan si San Agustin. Noong kabataan niya, sikat na babaero si Agustin. “Panginoon,” madalas niyang dasalin, “gawin mo akong mabait. Pero huwag muna ngayon.”

O ngayon, santo na si Agustin, simbahan pa sa Intramuros.

“KAKUWANAN” 1
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Setyembre-Oktubre 2002