Friday, June 12, 2020

ASISAKAPABA?: "KUNG HINDI PINATAY SI NINOY"

Ito na ang kahuli-hulihang kolum na nasa aking kalipunan ng "Asisakapaba" clippings. Di nagtagal pagkatapos nito ay lumipat na ako sa ibang publikasyon--bilang editor in chief ng National Midweek Magazine, kung hindi nagkakamali ang aking senior citizen memory. At halos dalawang taon pagkatapos lumabas ang kolum na ito ay nagwakas na ang batas militar ni Ferdinand Marcos sa Pilipinas.



ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Agosto 22-28, 1984

KUNG HINDI PINATAY SI NINOY?

Kung hindi pinatay si Ninoy noong Agosto 21, 1983, ano na kaya ang anyo’t hugis ng pulitikang Pilipino sa ngayon? Magkakaroon kaya sa ating mga kalye ng mga rali’t demonstrasyong nilalahukan ng libu-libo, daan-daang libo at milyon-milyong katao? Mamumukadkad kaya ang rebolusyong kompeti sa Makati? Lalahok kaya ang maraming burgis at panggitnang uri (middle class) sa mga aksiyong masa? Magtatalo kaya ang Oposisyon tungkol sa boykot at partisipasyon? Lulubha kaya ang krisis sa ekonomiya at pulitika?

Ang sagot ay depende sa iba pang posible gawin kay Ninoy. Sa tingin ni Ninoy mismo, may tatlo pang posibilidad: hindi siya gagalawin; ilalagay siya sa house o hospital arrest; o ibabalik siya sa bilangguan, malamang ay sa bartolina.

Kung hindi pinatay si Ninoy at sa halip ay pinabayaan na lamang siya ng naghaharing rehimen, malamang ay kakandidato siya o mangangampanya para sa mga kandidato sa Batasang Pambansa. Ewan ko lang kung makukumbinsi niya sina Senador TaƱada at Diokno na huwag magboykot, pero sa husay ng kanyang bokadura ay tiyak na mas marami siyang mahihila sa panig ng partisipasyon.

Kung hindi siya dadayain sa eleksiyon, tulad ng ginawa sa kanya noong 1978, tiyak na ngayon ay isa na siya sa ating mga MP o Mambabatas Pambansa. Baka sa tulong niya ay mas marami kaysa ngayon ang mahahalal na oposisyonista, pero pupusta ako na mananatili sa mayorya ang KBL [Kilusang Bagong Lipunan] sa Batasan. Pupusta rin ako na hindi bibitiwan ni Ginoong Marcos ang Amendment 6. Sa madaling salita, wala ring gaanong magagawa si Ninoy sa loob ng Batasan, bukod sa magtalumpati. Pero ang mga talumpati niya’y ni hindi malalathala sa malalaking peryodiko ng Establisimyento.

Kung hindi pinatay si Ninoy pero ipinasok siya sa bilangguan, o kaya’y ibinilanggo sa sarili niyang bahay o sa isang ospital, sa pagkakataong ito, palagay ko, magkakaroon ng malakas na protesta’t panawagang palayain si Ninoy Aquino. Di tulad noong unang pagkakabilanggo ni Ninoy, ngayon ay organisado na ang Task Force Detainees, MABINI [Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalism] at iba pang human rights organizations na lakas-loob na nagbibigay-pansin sa mga isyu ng di-makatwirang detensiyon, militarisasyon, panunupil sa mga demokratikong karapatan, atbp.

Habang nasa bilangguan si Ninoy, posibleng patuloy na lalawak ang kilusang protesta. Pero ang paglawak ay magiging dahan-dahan, utay-utay, paunti-unti—na siyang nangyayari bago napatay si Ninoy. At sa kilusang ito’y hindi gaanong masasangkot ang mga empleyado’t negosyante ng Makati; sa halip, ang mga kalahok ay manggagaling sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante, at ilang propesyonal na tulad ng guro, doktor, abogado, pari’t madre, at maging alagad ng sining—na pawang organisado na’t kumikilos bago pa man pinatay si Ninoy.

Kung hindi pinatay si Ninoy, paekstra-ekstra pa rin sa pelikula si Butz Aquino, pabliser pa rin ng magasing panturista si Max Soliven, walang prodyuser na magkakainteres sa Sister Stella L, at kung mayroon man ay hindi ito lulusot sa mga sensor, at hindi mauuso ang paghuhulog ng kompeti at pagwawagayway ng bandilang dilaw.

Gayunman, sinasabi ng mga ekonomista na pinatay man si Ninoy o hindi, talagang papabulusok na ang ekonomiya ng bansa. Ito’y dala ng pagsasamantala at di-makatarungang imposisyon ng IMF, World Bank at mga kompanyang multinasyonal, bagay na pinalala ng pangungurakot ng mga nasa poder at mga kroni nila. Pero sa tantiya ng mga ekonomista, kung hindi pinatay si Ninoy ay mararamdaman lamang natin ang krisis sa ekonomiya mga isa o dalawang taon mula ngayon.

Sapagkat sa malao’t madali ay lulubha ang krisis sa ekonomiya, sa malao’t madali ay tatamaan ng krisis ang mga burgis at panggitnang uri. Kaya, sa malao’t madali, posibleng masasangkot din ang mga ito sa kilusang protesta.

Saturday, June 6, 2020

ASISAKAPABA?: "HIGA SA HANGIN"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Agosto 1-7, 1984

HIGA SA HANGIN

Ewan ko kung bakit, pero hanggang ngayon ay hindi ko magawang sumulat tungkol sa dalawang taon kong “pagbabakasyon” sa bilangguang militar mula 1974 hanggang 1976.

Sa pelikulang Sister Stella L., bilang isa sa tatlong scriptwriter ay may naipakita akong kapiraso ng aking karanasan. Ang pahirap na ginawa ng goons kay Jay Ilagan ay batay sa nangyari sa akin. Ang kaibhan nga lamang ay hindi nakatali ang mga kamay at paa ko sa silya. Sa halip, pinaiskuwat ako habang ang lulod ko’y paulit-ulit na hinahampas ng yantok na tatangnan ng walis-tambo.

Bukod dito’y wala pa akong naisusulat na prosa tungkol sa buhay-detenido. Naisipan ko na lamang na isalin sa Pilipino ang sumusunod na sipi mula sa Report of an Amnesty International Mission to The Republic of the Philippines: 22 November – 5 December 1975:

“Si G. Lacaba ay sapilitang pinaiskuwat, at pagkatapos ay pinalo ang kanyang lulod ng yantok. Silang dalawa [kasama ng isa pang kasabay kong dinampot, ang mandudulang si Bonifacio Ilagan] ay pinaranas ng sistemang ‘higa sa hangin,’ kilala rin sa tawag na ‘San Juanico Bridge.’ Sa paraang ito ng tortiyur, ang biktima ay pinahihiga na ang ulo’y nakapatong sa gilid ng isang tarima, ang paa’y nakapatong sa gilid ng isa pang tarima, ang mga kamay at braso ay tuwid na nakalagay sa tagiliran at ang katawan ay ‘nakabiting parang tulay’ sa pagitan ng dalawang tarima. Ang dalawang bilanggo ay pinilit na manatili sa ganitong posisyon kahit na paulit-ulit silang bumabagsak. Lahat ng imbestigador, kasama ng iba pa, ay patuloy na sumusuntok at sumisipa sa kanila.

“Sa isa pang okasyon si G. Lacaba ay kinuwestiyon ni Tenyente P— ng 5th CSU. Pinapikit si G. Lacaba. Pagkatapos, isang kamay na sa palagay niya’y kay Tenyente P— ang paulit-ulit na humampas sa kanyang mga mata at batok. Sa iba pang pangyayari, sinikaran ni Sarhento R— si G. Lacaba sa dibdib, at ang tagiliran niya’y pinagsusuntok ni R— D— at dalawang sundalo…. Minsan, dinala siya sa Victoriano Luna Hospital sa Maynila… at ininiksiyunan ng tinawag niyang ‘truth serum,’ na ayon sa kanya’y naging sanhi ng pagsasalita niya nang parang lasing….

“… Ang patuloy na tratong brutal sa dalawang bilanggo ay tumagal nang pitong buwan pagkaraang maaresto. Mula Enero 1975, ito’y relatibong nabawasan ng tindi. Sinabi ni G. Lacaba na ang tratong brutal ay walang partikular na layunin, liban sa kagustuhang makasakit.”

Mahigit isang dekada na ang lumilipas mula nang maranasan ko ang tortyur na ito.

Isang buong libro tungkol sa tortiyur at sa dalawang taon ko bilang bilanggong pulitikal ang parang bombang tumitiktak sa loob ng aking utak, sa dulo ng aking mga daliri.

Balang araw, magkakalakas-loob akong humarap sa makinilya para pasabugin ang aking mga gunita.

Kung hindi ako pangingibabawan ng takot—o ng katamaran.

Friday, June 5, 2020

ASISAKAPABA?: "NUKLEAR"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hulyo 25-31, 1984

NUKLEAR

Sa pelikulang The Day After (na ipinapalabas sa Metro Manila habang sinusulat ito), makikita ang maaaring mangyari kung sakaling ang Amerika at Rusya ay maglunsad ng isang nuclear attack o salakay nuklear laban sa isa’t isa.

Nakakagimbal, nakakapanghilakbot, kalunos-lunos ang mga larawang inilalantad ng pelikula: mga bangkay na dagliang nangamatay; sunog at lapnos na balat; buhok na nalalagas; matang binulag ng nakasisilaw na liwanag na likha ng pagsabog ng bomba nuklear; mga gusaling gumuho, naglagablab, nagkadurog-durog na parang matsakaw.

Ayon sa mga gumawa ng pelikula, binawasan na nga nila ang kilabot. Sa totoong buhay, mas grabe pa ang pinsalang tinamo ng Hiroshima at Nagasaki nang bagsakan sila ng bomba atomika noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lalo pang grabe ang mga posibilidad sa panahong ito pagkat mas sophisticated at mas mapanganib ang mga sandatang nuklear na gawa ngayon, halos 40 taon pagkatapos ng pagkawasak ng Hiroshima at Nagasaki.

***

Ang pangyayaring inilarawan sa The Day After ay posible ring mangyari sa Pilipinas.

Sa pelikula, ang sinalakay ay isang bayan sa Estados Unidos na may base militar na pinag-iimbakan ng mga sandatang nuklear.

Dito sa atin, may ganyan ding mga base militar. Pangunahin na sa mga ito ang Clark Air Base sa Angeles, Pampanga, at ang Subic Naval Base sa Olongapo, Zambales. Bagamat itinatanggi ng mga Amerikano, maraming hudikasyon na may nakaimbak na mga sandatang nuklear sa nasabing mga base.

Kung sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng Amerika at Rusya, tiyak na kabilang sa mga unang-unang target ang Clark at Subic. Tiyak ang pagkawasak ng Angeles at Olongapo at ng kanilang mga karatig-pook.

***

Kahit hindi tayo bombahin ng Rusya, mayroon pa ring peligrong nuklear sa ating sinapupunan. Sa bayan ng Morong, Bataan, ay may itinatayong plantang nuklear.

Ayon sa Nuclear-Free Philippines Coalition (NFPC), ang planta sa Bataan ay mapanganib “hindi lamang sa punto ng mga di-inaasahang aksidente kundi sa punto na rin ng mga itinatapon nitong basurang nuklear… mga basurang tinaguriang ‘mga abo ng kamatayan,’ na nanatiling nakalalason sa loob ng 600 taon at radyoaktibo sa loob ng 250,000 taon.”

Dagdag pa ng NFPC:

“…ang mainit na tubig na iluluwa (ng plantang nuklear) ay magtataboy o papatay sa mga isda na siyang ikinabubuhay ng mga nakatira sa kanlurang baybayin ng probinsiya at maging ng mga mangingisda sa kalapit na siyudad ng Olongapo.

“Maaari ding magkabutas ang plantang nuklear at magpapasingaw ng nakalalasong sinag. Ang mga taong masisingawan nito ay maaaring mamatay kaagad, magkasakit ng kanser o magkaanak ng abnormal.

“Higit sa lahat, mapanganib ang plantang nuklear sa Bataan dahil sa nakatuntong ito sa isang lugar na malapit sa Bundok Natib, isang buhay na bulkan. Bukod pa rito, ito ay may kalahating kilometro lamang ang lapit sa isang seismological faultline, isang malalim na lamat sa lupa na malamang na pagsentruhan ng lindol.”

Thursday, June 4, 2020

ASISAKAPABA?: "BAKASYONG MAY PASOK"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hulyo 11-17, 1984

BAKASYONG MAY PASOK

Itong nakaraang Hulyo 4, Araw ng Pagkakaibigan ng Pilipino’t Amerikano, ay idineklarang isang working holiday.

Hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng working holiday. Ang holiday, ayon sa mga diksiyonaryo, ay pista opisyal, araw ng bakasyon, araw ng pahinga, araw na walang pasok, araw na walang trabaho, araw na walang klase.

Bakit kailangang tawaging holiday ang isang araw na mayroon namang pasok? Bakit hindi na lang special day, o natatanging araw, tulad ng Mother’s Day?

***

Kung naririnig ko ang praseng working holiday, naaalala ko ang mga programa sa telebisyon sa sinasabing live delayed telecast. Karaniwan itong ginagamit sa mga boksing na ibinobrodkas via satellite mula sa ibang bansa, pero kamakailan ay nabasa ko ito sa isang kolum: “The Academy Awards rites tonight will be covered live (slightly delayed)…”

Tulad ng working holiday, isang delayed telecast na live ay parang contradiction in terms—magkasalungat ang kahulugan ng mga salitang sapilitang pinag-ugpong.

***

Ano’t anuman, hindi ko rin naman maintindihan kung bakit kailangang gawing espesyal na araw ang Fil-American Friendship Day. Wala naman tayong araw para sa pagkakaibigan ng Pilipino’t Espanyol, Pilipino’t Hapon, Pilipino’t Tsino, atbp.

Napaghahalata tuloy na kahit binago na natin ang ating Araw ng Kalayaan, nakakapit pa rin tayo sa pundilyo ni Uncle Sam.

***

Alam kong sa karaniwang kalakaran ay maaaring magbago ang kahulugan ng salita. Ito’y batas ng lingguwistika. Sa Ingles, halimbawa, ang kahulugan lamang noong araw ng salitang villain ay “isang magsasakang nakikisama sa asyenda o villa,” pero nang lumaon ay nagkaroon ito ng kahulugang “kontrabida.” Sa Tagalog, ang salitang magbugaw—na ang orihinal na kahulugan ay “magtaboy”—ay nagkaroon ng karagdagang kahulugan na “manghikayat ng kostumer para sa puta.” Nabaligtad ang kahulugan.

Ang ganitong pagbabago ng kahulugan ay karaniwang nangyayari sa mahabang panahon, sa loob ng maraming henerasyon. Pero mas mabilis yata ang nagaganap na pagbabago sa ating Bagong Republika. Nariyan na nga ang halimbawa ng holiday. Mababanggit pa ang salvage, na sa Ingles ay nangangahulugang “iligtas” pero dito sa atin ay nangangahulugang “iligpit, yariin, tepokin, dedbolin, patayin.”

***

Makikita sa susunod na mga klasikong pangungusap ang ilang salitang nagkaroon ng panibagong kahulugan sa ating panahon at bayan:

“Walang bilanggong pulitikal sa Pilipinas.”

“Walang sinumang pinahirapan (tortured).”

“Hindi magkakaroon ng debalwasyon.”

“Hindi tataasan ang presyo ng langis.”

“Anong krisis? Walang katulad ang kasaganaang tinatamasa natin ngayon!” (We never had it so good!)