Friday, February 3, 2017

BANGUNGOT

 
Kung hindi ako nagkakamali, unang nalathala ng tulang ito sa magasing Ermita, circa late 1970s, panahon ng pambansang bangungot na tinawag na martial law.

Bandang late ’60s ko pa yata sinulat ang orihinal na bersiyon ng tulang ito (binabangungot ako literally noong binata pa ako), pero alam kong panahon na ng martial law nang malathala ito, dahil natatandaan kong bago ko isinumite for publication ay idinagdag ko ang mga katagang “kalansay ng mariposa” at “ang iyong maharlikang kabulukan”—konting pitik sa Steel Butterfly at sa gerilya ng Maharlika unit.

Ipino-post ko ito ngayon dahil parang angkop ito ngayong panahon na naman ng pambansang bangungot.



BANGUNGOT

ni Jose F. Lacaba



Para akong
                   madalas mangyari ito
para akong nagigising sa gabi
at sa aking tabi
                        may nakaupo
walang inuupuan pero tuwid ang upo
tahimik nagbabantay
batang munti
                     nakabarong-Tagalog na puti
kalansay ng mariposa ang palamuti
hindi ko maaninag ang mukha
agiw ang anino sa mukha
                                        pero kilala ko
sa pangalan:
                    Kamatayan.
Ikaw ang nakaupo
walang kakibo-kibo
                               Kamatayan.
Bumubuka
                  ang aking bibig
walang tinig
hanging malamig ang umaalpas sa labi
halumigmig ang humahagod sa balahibo
hamog ang nanunuot sa balat
                                               bumibigat
ang aking mga buto
naninigas ang buo kong katawan
kailangang maigalaw
ko ang aking bisig
                             ang aking kamay kahit
hintuturo man lamang
                                   kailangang
maging tinig ang aking hininga
maging
             HIYAW!
kailangang magising ang mga kasambahay
mabulahaw ang mga kapitbahay
                                                   kailangang
maigalaw
               ko ang aking kamay kailangang
buksan ang
patay na ilaw
kung hindi
                ay hindi
                             na makagagalaw
ang anumang bahagi ng aking katawan
kailanman.
                  Kamatayan
nakaupo ka sa hininga
ko humihingal
                      ako bumabagal
ang agas ng hangin sa aking bibig
hinahadlangan ng bikig
                                    ang aking hininga
kailangang sumigaw kailangang
gumalaw
ang isa kong kamay kailangang
gumising bumangon kailangang
                    BUKSAN ANG ILAW!
                          kung hindi
ay tatayo ka
                     Kamatayan
bababa ang anino sa barong-Tagalog mong puti
babagsak ang liwanag sa manipis mong labi
lalapit ang iyong sampung daliri
                                                   hindi
na ako makagagalaw
                                   hindi
ko na mabubuksan ang ilaw hindi
na ako magigising
hindi ko na mapagmamasdan
ang iyong mukha
                            ang iyong mata
ang iyong maharlikang kabulukan
                                                    Kamatayan




Mula sa MGA KAGILA-GILALAS NA PAKIKIPAGSAPALARAN: MGA TULANG NAHALUNGKAT SA BUKBUKING BAUL (Kabbala, 1979; second edition: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila, 1996).

Muling nalathala sa KUNG BAGA SA BIGAS: MGA PILING TULA (University of the Philippines Press, 2002; second printing, 2005).


No comments: