Kung hindi ako nagkakamali, unang nalathala ng tulang ito sa magasing Ermita,
circa late 1970s, panahon ng pambansang bangungot na tinawag na martial law.
Bandang late ’60s ko pa yata
sinulat ang orihinal na bersiyon ng tulang ito (binabangungot ako literally
noong binata pa ako), pero alam kong panahon na ng martial law nang malathala
ito, dahil natatandaan kong bago ko isinumite for publication ay idinagdag ko
ang mga katagang “kalansay ng mariposa” at “ang iyong maharlikang kabulukan”—konting
pitik sa Steel Butterfly at sa gerilya ng Maharlika unit.
Ipino-post ko ito ngayon dahil parang angkop ito ngayong panahon na naman ng pambansang bangungot.
BANGUNGOT
ni Jose F. Lacaba
Para akong
madalas mangyari ito
para akong nagigising sa gabi
at sa aking tabi
may nakaupo
walang inuupuan pero tuwid ang upo
tahimik nagbabantay
batang munti
nakabarong-Tagalog na puti
kalansay ng mariposa ang palamuti
hindi ko maaninag ang mukha
agiw ang anino sa mukha
pero
kilala ko
sa pangalan:
Kamatayan.
Ikaw ang nakaupo
walang kakibo-kibo
Kamatayan.
Bumubuka
ang aking bibig
walang tinig
hanging malamig ang umaalpas sa
labi
halumigmig ang humahagod sa
balahibo
hamog ang nanunuot sa balat
bumibigat
ang aking mga buto
naninigas ang buo kong katawan
kailangang maigalaw
ko ang aking bisig
ang aking kamay
kahit
hintuturo man lamang
kailangang
maging tinig ang aking hininga
maging
HIYAW!
kailangang magising ang mga
kasambahay
mabulahaw ang mga kapitbahay
kailangang
maigalaw
ko ang aking kamay kailangang
buksan ang
patay na ilaw
kung hindi
ay hindi
na makagagalaw
ang anumang bahagi ng aking
katawan
kailanman.
Kamatayan
nakaupo ka sa hininga
ko humihingal
ako bumabagal
ang agas ng hangin sa aking bibig
hinahadlangan ng bikig
ang aking hininga
kailangang sumigaw kailangang
gumalaw
ang isa kong kamay kailangang
gumising bumangon kailangang
BUKSAN ANG ILAW!
kung hindi
ay tatayo ka
Kamatayan
bababa ang anino sa barong-Tagalog
mong puti
babagsak ang liwanag sa manipis
mong labi
lalapit ang iyong sampung daliri
hindi
na ako makagagalaw
hindi
ko na mabubuksan ang ilaw hindi
na ako magigising
hindi ko na mapagmamasdan
ang iyong mukha
ang iyong mata
ang iyong maharlikang kabulukan
Kamatayan
Mula sa MGA KAGILA-GILALAS NA
PAKIKIPAGSAPALARAN: MGA TULANG NAHALUNGKAT SA BUKBUKING BAUL (Kabbala, 1979;
second edition: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila, 1996).
Muling nalathala sa KUNG BAGA SA
BIGAS: MGA PILING TULA (University of the Philippines Press, 2002; second
printing, 2005).