Saturday, July 30, 2011

Lumang kolum: E.T. Atbp.

Halos tatlong dekada na ang nakararaan mula nang sulatin ko ang kolum na ito.



E.T. Atbp.

Nang ipalabas dito ang E.T. (The Extra-Terrestrial), hindi nagtagal ay may gumawa ng pelikulang Tagalog na pinamagatang E.T. (Estong Tutong). May pumansin din na E.T. ang inisyal nina Eugene Torre, Elizabeth Taylor, atbp. Kamakailan, may narinig akong bagong pakahulugan sa E.T.—Engot na, Tiyope pa.

Mahilig tayong magbigay ng mga bagong pakahulugan sa mga kilalang inisyal. Ang PNB (Philippine National Bank) noong araw ay Patabain Nating Baboy, ang PAL (Philippine Air Lines) hanggang kamakailan ay Plane Always Late, at ang MIFF (Manila International Film Festival) nitong taong ito, dahil sa pagtatanghal ng mga pelikulang bomba, ay naging Manila International Fighting Fish.

May mas grabe pang pakahulugan sa MIFF, pero kung isusulat ko rito’y baka ako ma-PCO. Ito namang PCO o Presidential Commitment Order ay bago pa lamang, kaya wala pang pabirong pakahulugan. Pero may suspetsa akong ang talagang pinagmulan ng mga inisyal na iyan ay Patahian ng Cadena Orig.

Ewan ko kung ano ang uso ngayon sa kampus, pero noong kapanahunan namin ay may mga palokong kahulugan ang mga inisyal ng mga unibersidad. Ang MLQ ay Mga Loko sa Quiapo; ang FEU ay For Ever Useless; ang UST ay Utot Sabay Tae. Taga-UP ang naringgan ko ng mga kantiyaw na ito, pero hindi niya pinatawad ang sarili. Ang ibig sabihin naman daw ng UP ay Useless People.

Noong panahong iyon ay buhay pa ang istasyong pantelebisyon na ABS. Pero ang ABS ay bisyo rin—Alak-Babae-Sugal.

Sa mga opisina, ang empleyadong may field work ay kailangang magpaalam na ang paglabas niya sa oras ng trabaho ay OB o Official Business. Kadalasan, ang OB ay nagiging Owi Bahay.

Sa Estados Unidos, eksplosibo ang buhay ng mga kababayan nating expired na ang visa o walang green card. Sila’y TNT—Tago Nang Tago.

Papuntang Puerto Azul nitong nakaraang summer, may nadaanan kaming malaking lote na punong-puno ng mga kakatwang estruktura na yari sa yero at hollow blocks. “Parang maliliit na kasilyas sa probinsiya,” pansin ng isang kasamahan namin sa bus, “pero bakit ang dami-dami?” Sagot ng isa pa: “Siguro’y iyan ang kanilang KKK project—Kanya-Kanyang Kubeta.”

Noong isang taon, nag-interbiyu ako ng iba’t ibang klaseng madre kaugnay ng isang script. Nalaman ko sa isang aktibistang madre na ang tawag sa mga konserbatibong pari (iyong walang inaatupag kundi mga tradisyonal na gawaing ispiritwal) ay KBL—mga paring Kasal-Binyag-Libing.

Ayon sa isang kolum sa magasing Who, ang pakahulugan daw sa NPA na ibinigay ng isang paring taga-Banaue ay New Pastoral Approach. Ayon naman sa isang madreng galing sa Mindanaw, ang tawag daw sa NPA doon ay Nice People Around.

Noong araw, ayaw na ayaw gamitin ng militar ang terminong NPA. Ang ginagamit nila noon ay MAMAO, na ang ibig sabihin daw ay Military Arm, Mao Tsetung Thought.

Ang mga inisyal ng multinasyonal na Colgate-Palmolive Philippines ay kapareho ng sa Communist Party of the Philippines.

Sa Quezon City, ang mga tomador na mahilig sa pulutang inihaw ay may paboritong istambayan na kung tawagin nila’y IBP. Hindi Interim Batasang Pambansa ang beer garden na iyon, kundi Ihaw-Balot Plaza.


Jose F. Lacaba
“Sa Madaling Salita”
Mr. & Ms. Magazine
July 19, 1983

P.S. 2011.
Ang bida sa pelikulang E.T. (Estong Tutong) ay ang yumaong komedyanteng si Chiquito. Ang orihinal na kahulugan ng KBL (baka hindi na alam ng mga post-martial-law babies) ay Kilusang Bagong Lipunan, ang partido ng naghaharing rehimeng militar noong panahong iyon. Ang KKK, na Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan noong panahon ni Andres Bonifacio, ay nangangahulugan daw ngayon na Kakampi, Kaklase, Kabarilan o kaya'y Kamag-anak, Kaklase, Kaibigan. Ito raw ang mga inaappoint ni Presidente Noynoy Aquino sa matataas na posisyon sa gobyerno, ayon sa mga kontra-PNoy. Sagot naman ng mga pro-PNoy, ang KKK ay daglat o abbreviation ng Kongresista, Kasama, Kabiyahe, ibig sabihin, ang mga karantso ng dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, na hakot niya tuwing pupunta siya sa ibang bansa noong siya pa ang nasa Malakanyang.

No comments: