Ano ang talagang ginawa nina Jack at Jill nang umakyat sila sa burol?
Kapilyuhan, ayon sa isang eksperto sa folklore.
Hindi inosenteng pag-igib ng tubig ang ginawa nina Jack at Jill, paliwanag ni Norman Iles. Sa orihinal daw, si Jill at hindi si Jack ang natumba, at dahil dito’y “nabasag ang kanyang korona.” Itong huling prase ay katumbas pala ng ating kawikaang “nabasag ang banga.” Sa madaling salita, nawala ang pagkabirhen ni Jill.
“Ang mga awiting pambata ay lubhang bastos at seksuwal sa nilalaman, at ang mga ito’y sinensor ng Establisimyento at ng Simbahan sa paglipas ng panahon,” sabi ni Iles. Kasalukuyan siyang nagsusulat ng librong may pamagat na Nursery Rhymes Restored to Their Adult Originals.
Sa interpretasyon ni Iles, si Little Miss Muffet ay isang nakahubad na nagpapaaraw, at ang gagambang bumulabog sa kanya ay isang namboboso. Ang “London Bridge Is Falling Down” ay tungkol naman daw sa nararamdaman matapos makipagtalik, samantalang ang “Rub-A-Dub-Dub Three Maids [o Men] in a Tub” ay tungkol sa isang orgy.
Dahil sa mga pahayag ni Iles, hindi tuloy ako mapagkakatulog. Aba, biruin mong ilang milyong kabataan natin ang kino-corrupt ng mga tula’t awiting pambata! Dapat siguro’y mayroon din ditong lupon sa sensura na magkaklasipika kung aling tula’t awiting pambata ang for general patronage o for adults only.
Habang pabiling-biling sa aking higaan ay napag-isip-isip ko ang ating mga katutubong tugmang pambata. Mahalay at malaswa rin kaya ang mga ito?
Walang dudang bastos ang “Sitsiritsit, Alibangbang.” Ito’y tungkol sa babae sa lansangan na kung gumiri ay parang tandang. Mayroon pa itong dagdag na saknong na sa kabutihang-palad ay hindi na karaniwang kinakanta:
Ang babae sa Navotas,
May botitos, walang medyas…
Ang babae sa Makati,
May medyas, walang panty…
Sa iba pang mga tugmang pambata, mukhang disimulado na ang kabastusan, tulad ng nangyari sa “Jack and Jill.” Siguro’y may naganap nang sensura sa paglipas ng panahon, o baka nakalimutan na natin ang kahulugan ng mga orihinal na talinghaga.
Kung maniniwala ka kay Iles o kung likas na marumi ang isip mo, hindi ka mahihirapang maghanap ng pilyong kahulugan sa tulang ito:
Isa, dalawa, tatlo,
Ang tatay mong kalbo,
Umakyat sa mabolo,
Inabot ng bagyo.
Apat, lima, anim,
Ang tatay mong duling,
Nanghuli ng pating
Sa balong malalim.
Ano pa ba iyan kung hindi paglalarawan ng aktong seksuwal? Ang pagbibilang at ang mismong ritmo ng tula ay nagpapahiwatig ng gawaing hindi dapat ipaalam sa mga bata. Ang “ulong kalbo” at “balong malalim” ay tila may maruming konotasyon. Gayundin ang “mabolo”—ito’y isang bungang-kahoy, pero ang orihinal na bigkas dito’y “mabulo,” na nangangahulugang “mabalahibo.”
Kung sinimulan mo na ang ganitong pagsusuri, tiyak na makakadiskubre ka ng mga phallic symbol sa kung saan-saan.
Nariyan ang “talong” at “mani” at “patani” sa “Bahay-Kubo.”
Nariyan ang “kutsilyo de almasen” at “sipit na namimilipit” sa “Pen Pen de Sarapen.” Idagdag mo pa ang “sarap” na bahagi ng salitang “sarapen.”
Nariyan din ang “baril” at “sundang” sa “Ako’y Ibigin Mo, Lalaking Matapang.” Baka nga ang “pito” at “siyam” sa awiting-bayang ito ay hindi tumutukoy sa dami ng baril at sundang, kundi sa haba, sa pulgada. At may isang pinggang pansit na kalaban ang lalaking matapang—hindi kaya ito ang mabulo sa bukana ng balong malalim?
Ewan ko, pero hindi ako magtataka kung iyon na nga.
Salamat na lang at kolonyal ang sistema ng ating edukasyon. Kung hindi, baka ituro pa sa ating mga eskuwelahan ang mga katutubong tula’t awiting pambata. Baka kung anong imoralidad pa ang matutuhan ng ating mga anak.
Iyan namang nursery rhymes sa Ingles—wala namang nakakaintindi niyan, kaya okey lang. Ang dapat na lang gawin ay ipagbawal ang libro ni Iles, kung sakaling matapos niyang sulatin.
Mula sa kolum na
“Sa Madaling Salita”
ni Jose F. Lacaba
Mr. & Ms. Magazine
1983 August 23
P.S. 2011: Ang libro ni Norman Iles ay nalathala noong 1986 ng Robert Hale Ltd. (London, UK) sa ilalim ng pamagat na Who Really Killed Cock Robin?: Nursery Rhymes and Carols Restored to Their Adult Originals (o …Restored to Their Original Meanings, ayon sa ibang mga website).
2 comments:
Ka-Pete-sa patalim:
Kunsabagay, napakaraming mga tula at kanta sa Bicol na napapalooban ng puro kalibugan. Hindi naman masama ang libog dahil parte ito ng buhay ng tao. Sa Bicol ako nag-spent ng aking childhood, at sa totoo lang, kung kantahin ng mga bata ang mga ribald songs na ito ay halos nonchalant lamang at parang bahagi lang ng pang-araw-araw na buhay sa probinsiya.
Isang halimbawa ay ang ribald song na "MAY, MAY TAWO SA SIRONG" (Mother, someone's downstairs):
May, may tawo sa sirong,
nakikimaherak, siya padaguson.
Mother says: Padagusa!
(Mother, there's someone downstairs,
begging to be let in.
Mother: Let him in!)
May, pinadagos ko na,
nakikimaherak, siya pakaunon.
Mother says: Pakauna!
(Mother, I let him in,
he's begging to be given something to eat.
Mother: Let him eat!)
May, pinakaon ko na,
nakekemaherak siya pahigdaon.
Mother says: Pahigdaa!
(Mother, I let him eat,
he's begging to be allowed to lie down.
Mother: Let him lie down!)
May, pinahigda ko na,
nakekemaherak, siya pakayuon.
Mother says: Hijo de puta!
Haen an sundang ko ta tigbason ko iyan tanganing matigbak na iyan!
(Mother, I let him lie down,
he's begging to be allowed to fuck me.
Mother: That son of a bitch!
Where's my machete so I can hack him to death!)
This is one lovely example of a ribald song in Bicol that children were singing in those days on a daily basis. Of course the adults would hush them (after all, it came from adults), but nope, the kids didn't listen at all. They went on singing, while skipping. He-he. I could, actually, write 10 or more ribald songs we sung as children in Sorsogon. And one of my best friends here in Canada is an Irish lady, and for so many years that we've known each other, we both realized how the Irish and the Filipino cultures are so alike in many ways, including having a good collection of ribald poems and songs.
Funny indeed, for majority of both Irish and Filipinos are Roman Catholics!
This is the result of REPRESSION? :)
Cool Canadian:
For some reason, I never got to read this comment of yours when you posted it nearly a year ago. Just read it now and had a good laugh. Nasa YouTube kaya ang kantang ito? Para malaman ang tono. Baka puwedeng i-Tagalize, as we say these days.
Post a Comment