Monday, February 28, 2011

Tula: KAPARIS NG KAWAYAN, KAPARIS NG KALABAW

Kaparis ng Kawayan, Kaparis ng Kalabaw

Ang Pilipino'y kaparis ng kawayan,
nakikisayaw sa hangin, nakikisayaw:
kung saan ang ihip
doon ang hilig,
kaya hindi siya nabubuwal, hindi nabubuwal.
Di tulad ng punong niyog,
ayaw yumuko, ayaw lumuhod,
kaya siya nabubuwal, nabubuwal.

Iyan ang sabi-sabi,
ewan lang kung totoo.
Pero kung totoo ang sabi-sabi,
lagot tayo!

Ang Pilipino'y kaparis ng kalabaw,
napakahaba ng pasensiya, napakahaba:
kung hinahagupit
walang imik,
kaya hindi siya pinapatay, hindi pinapatay.
Di tulad ng baboy-damo,
ayaw sumuko, ayaw patalo,
kaya siya pinapatay, pinapatay.

Iyan ang sabi-sabi,
ewan lang kung totoo.
Pero kung totoo ang sabi-sabi,
lagot tayo!

--Jose F. Lacaba

------------------------------------------------------------
Sinulat para sa
BATUBATO SA LANGIT
Mga Titik para sa Isang Sarsuwelang
Binalak sa Panahon ng Diktadura
------------------------------------------------------------

Mula sa kalipunang
Sa Panahon ng Ligalig
(Anvil Publishing, 1991)


2 comments:

ALBERT B. CASUGA said...

Lagot nga tayo, Pepito. Sa kawayan nga tayo inihambing, sa kalabaw din. Ewan ko lang, kung hanggang ngayon ay ningas kogon pa rin. Baka naman ito'y defence mechanism, para pag lumiliyab ay mayroon din hangganan ang apoy. Ewan kung ito'y defensa kaya natin sa ating mga impiyerno (impierno?)na dala ng colonialismo, na ngayo'y atin naring pangaraw-araw. Ewan ko lang, Pepito.

Tiradauno said...
This comment has been removed by a blog administrator.