Monday, February 28, 2011

Tula: KAPARIS NG KAWAYAN, KAPARIS NG KALABAW

Kaparis ng Kawayan, Kaparis ng Kalabaw

Ang Pilipino'y kaparis ng kawayan,
nakikisayaw sa hangin, nakikisayaw:
kung saan ang ihip
doon ang hilig,
kaya hindi siya nabubuwal, hindi nabubuwal.
Di tulad ng punong niyog,
ayaw yumuko, ayaw lumuhod,
kaya siya nabubuwal, nabubuwal.

Iyan ang sabi-sabi,
ewan lang kung totoo.
Pero kung totoo ang sabi-sabi,
lagot tayo!

Ang Pilipino'y kaparis ng kalabaw,
napakahaba ng pasensiya, napakahaba:
kung hinahagupit
walang imik,
kaya hindi siya pinapatay, hindi pinapatay.
Di tulad ng baboy-damo,
ayaw sumuko, ayaw patalo,
kaya siya pinapatay, pinapatay.

Iyan ang sabi-sabi,
ewan lang kung totoo.
Pero kung totoo ang sabi-sabi,
lagot tayo!

--Jose F. Lacaba

------------------------------------------------------------
Sinulat para sa
BATUBATO SA LANGIT
Mga Titik para sa Isang Sarsuwelang
Binalak sa Panahon ng Diktadura
------------------------------------------------------------

Mula sa kalipunang
Sa Panahon ng Ligalig
(Anvil Publishing, 1991)