Ilang araw matapos ilibing ang yumaong Pangulong Corazon Aquino, nahilingan akong magbasa ng tula sa isang programang inisponsor ng organisasyong Bantayog ng mga Bayani. Ginanap ang programa noong Agosto 9 sa Yuchengco Auditorium sa Bantayog ng mga Bayani compound sa Quezon Avenue, corner EDSA, Quezon City. Panghuling araw iyon ng isang-linggong tribute kay Cory na isinagawa ng Bantayog; co-sponsor sa panghuling araw ang Concerned Artists of the Philippines (CAP).
Binasa ko (at pagkatapos ay inawit nang a cappella) ang “Bahaghari,” isang kantang nilapatan ng musika ni Ding Achacoso. Isa ito sa mga awiting sinulat ko para sa isang 16-mm musical film na gagawin sana namin ni Mike de Leon noong simula ng Dekada ’80, bago pinatay si Ninoy Aquino. Kung hindi ako nagkakamali, sa simula’y may pamagat na Sangandaan ang binabalak naming musical, pero sa kalaunan ay ginawa ko itong Batubato sa Langit. Natapos ko ang storyline, ang sequence guide, at lahat ng titik ng mga awitin para sa musical (na tinawag naming “Brechtian zarzuela”), pero hindi na ako umabot sa script stage.
Sa pagkamatay ni Ninoy, ang napagbuhusan namin ng panahon nina Mike at Ding ay isang documentary na pinamagatang Signos at ang pelikulang Sister Stella L. Isang kanta mula sa binabalak na Brechtian zarzuela ang ginamit na isa sa mga theme songs ng Sister Stella L: ang “Aling Pag-ibig Pa,” na binigyang-tinig ni Pat Castillo sa pelikula at sa plaka. Nang ipalabas ang Sister Stella L. sa 1984 Venice International Film Festival, ang pamagat nito ay Sangandaan (Incroci sa Italyano, Crossroad sa Ingles). Pinagtiyap na sa unang storyline ay Sister Corazon de Jesus ang pangalan ni Sister Stella L. Ang nasa isip ko noon ay hindi si Corazon Aquino, kundi ang Sagrado Corazon de Jesus.
Narito ang titik ng piyesang binigkas ko at pinangahasang kantahin noong parangal kay Cory:
BAHAGHARI
Titik ni Jose F. Lacaba
Himig ni Ding Achacoso
Huwag kang masindak
sa kulog at kidlat
o sa alulong ng hangin sa dagat.
May bahaghari, may bahaghari
pagkatapos ng unos.
Huwag kang lumuha
kung mataas ang baha,
wala pang bahang hindi humuhupa.
May bahaghari, may bahaghari
pagkatapos ng unos.
Sa likod ng ulap
may araw na sumisikat,
sa dulo ng dilim
may liwanag na kay ningning!
Huwag mong itaghoy
ang lagas na dahon,
may bagong dahon na muling sisibol.
May bahaghari, may bahaghari
pagkatapos ng unos.
Wednesday, August 19, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
6 comments:
Sir, how do you feel about the Mendiola Massacre? I admire Cory, but this is one of the few issues some Pepsters and Peyups people have hurled against her. Any comments? I just want to know more about it since bata pa ako noong nangyari ito.
The Mendiola massacre was definitely a black mark on the Cory Aquino administration. Idagdag mo pa ang ibang isyu na tulad ng Hacienda Luisita at ng armed vigilantes na noon ay hinayaang maghasik ng lagim sa kanayunan (na pinaksa namin ni Lino Brocka sa pelikulang Orapronobis). Pero sabi nga ng mga taga-Peyups, nabubuhay tayo sa daigdig ng kontradiksiyon, at pag tinimbang na ng kasaysayan ang pluses at minuses ng Cory administration, malamang ay lumabas na mas matimbang pa rin ang naging papel niya bilang inspirasyon sa sambayanan para ibagsak ang diktadurang militar at lumikha ng democratic space. Malaking bagay din naman para sa mga peryodistang tulad natin ang panunumbalik ng kalayaan sa pamamahayag, di ba?
Tama po kayo, Sir. Hugs from Singapore!
sir, gusto ko lang po sana itanong kung saan makakakuha ng copy nung Signos na documentary? kasi gusto po sana namin ipalabas sa UP, para naman malaman din ng mga kabataan ngayon kung ano ang mga nangyari noong panahon ng Martial law. Personally, hindi ko pa napanood yung film, pero sa mga sinabi ng kaibigan ko na nakita na ito, maganda siya.
Laura:
May kopya yata ang UP Film Center o UP Film Institute. Subukan mo muna doon. Kung wala, PM mo ako: petelacaba@gmail.com.
Ka Pete
Sir may figurative speech po ba yan?
Post a Comment