Monday, June 15, 2009

HINDI PARANGAL KAY NICK JOAQUIN


Painting ni Danny Dalena
ang itino-toast ni Nick Joaquin

Noong Abril 29 ay ika-5 anibersaryo ng kamatayan ni Nick Joaquin, National Artist for Literature (at coincidentally ay ika-51 anibersaryo ng kamatayan ng aking amang si Jose Monreal Lacaba Sr.). Ang sumusunod ay binasa ko sa isang parangal para kay Nick na ginanap sa Cultural Center of the Philippines noong Mayo 2004--pagkaraang ilibing si Nick, kung hindi ako nagkakamali.


NICK JOAQUIN

Noong nabubuhay pa si Nick, kapag napupunta siya sa ganitong klaseng okasyon, madalas niyang nasasabi: “Ayoko ng mga tribute-tribute. Pag patay na ako, ibalot n’yo na lang ako sa banig at itapon sa Pasig.”

Kaya hindi ito tribute, Nick. Mga watak-watak na gunita lamang.

Nakilala ko si Nick noong 1965, nang isama ako nina Joe Carreon at Tess Daffon sa opisina ng Philippines Free Press sa Makati. Scriptwriter at direktor na sa pelikula si Joecar ngayon, at vice-president ng Channel 5 si Tess, pero noon ay pare-pareho lang kaming young writers, patula-tula, pakuwento-kuwento.

Tulad ng gawi ni Nick kapag dinadalaw siya ng mga kabataang manunulat noon, nagpainom siya sa Free Press canteen, at habang umiinom ay kumakanta siya. Frank Sinatra songs. Kakanta siya nang kaunti at saka sasabihing: “You don’t know that song.” E, kami ni Tess, maraming alam na Sinatra. Itinutuloy namin ang kanta, sinasabayan namin si Nick. Pati sa mga obscure Sinatra songs, tulad ng “I Could Write a Book.” Kung minsan, alam namin pati ang mga songwriter, mga paborito ni Nick—Cole Porter, Rodgers and Hart, Gershwin. Gulat na gulat si Nick sa amin: “Why do you know these songs? You’re too young to know these songs!” Nineteen lang ako noon, 48 si Nick.

So, doon nagsimula ang pagkakaibigan namin, sa beer at Sinatra, bukod pa sa peryodismo at literatura. Noong nagtatrabaho na ako sa Free Press, napasama ako sa mga katropa ni Nick—Greg Brillantes, Ding Nolledo, Joe Quirino, Danny Dalena, mga young writers ng UP at UST, mga tinedyer na taga-San Juan. Halos gabi-gabi kung lumabas si Nick, at laging may kaladkad na tropa. E, ako naman, kaladkarin. Dinadala niya kami sa mga piano bar at restoran na may singer. Kabisado niya ang schedules ng mga paborito niyang singers—Merci Molina sa Victoria Peak kung Miyerkules, Carmen Soriano sa BulakeƱa kung Biyernes. Nitong Nineties, bihira na kaming magkasama, pero may mga paborito pa rin siya—Girl Valencia sa Manila Hotel, Joselito Pascual at the piano; mga singers sa Diwata Bar ng Sulo Hotel. At kung gusto mo siyang makita, pupunta ka tuwing Miyerkules sa Ermita, sa Calle Cinco bar. Mga girl bands naman doon, at hindi Sinatra ang tugtog kundi rock. Pero naroon siya sa kabisera ng mahabang pinagdugtong-dugtong na mesa, sa mismong harap ng stage, pumapalakpak, nagri-request.

Mahilig din si Nick sa corny jokes, lalo na kung may mga pun. Nang sumikat ang kantang “Laki sa Layaw,” may isang gabing pinaulanan niya kami ng mga gawa-gawa niyang patawa. Bakit jeproks ang pulitiko? Kasi, laki sa laway. Bakit jeproks ang political prisoner? Laki sa latay. Bakit jeproks ang mga namatayan, tulad natin ngayon? Laki sa lamay. Si Nick ang unang-unang tumatawa sa mga patawa niya. Ang isa pang naalala kong paborito niya: Oy, si Pong, nasaksak. Kagat ka naman: Sinong Pong? Hagikhik na siya: Hindi sinumpong, nasaksak! Kaya lang, minsan nasira ang jokjokjok niya. Sabi niya, straight-faced: Oy, si Pete, nabaril! Sa halip na magtanong ng “sinumpit,” ang reaksiyon ng pinagsabihan ay: Ha? Si Pete? Nabaril? Kelan?

Hindi kataka-taka na nang mamatay si Nick ay hindi mapigilan ng mga kaibigan niya na magpadala ng text jokes. Sabi ng isa: Paano iyan? In heaven there is no beer. Sagot ng isa pa: That’s why he drank it here. Sagot naman ng pinagpasahan ng joke: Sa heaven, me San Miguel. San Miguel ang sasalubong kay Nick sa heaven.

Identified na identified kay Nick ang San Miguel Beer. Kung nakukunan kasi siya ng retrato, laging may hawak na San Miguel Pale Pilsen sa isang kamay. (Kung minsan, may basang panyo sa kabilang kamay, na madalas niyang iwasiwas sa mukha ng mga kaibigan.) Ang routine ni Nick: beer sa umaga habang nagsusulat, siesta sa tanghali, beer uli sa hapon habang nag-iinterview, at beer uli sa gabi sa kanyang walang-katapusang hapi-hapi hour. San Miguel Pale ang drink niya sa labas ng bahay. Pero kung pupunta ka sa bahay niya sa umaga, makikita mo na ang almusal niya ay Beer na Beer.

Ewan ko kung kailan ito nagsimula. Baka pagkatapos na lumabas si Nick, kasama sina Franz Arcellana at Greg Brillantes, sa isang TV commercial ng San Miguel. Wala pa yatang isang linggo, pinull-out ang ad sa ere. Balita ko, hindi nagustuhan ng kompanya ang commercial—ang dating daw kasi, geriatric.

Minsang pinasyalan ko siya sa bahay, tinanong ko si Nick: Bakit Beer na Beer ang iniinom mo? Hindi ba stockholder ka ng San Miguel? Sagot niya: Mabuti na ’yong me competition ang San Miguel. Hindi maganda ang monopoly.

Bilang pangwakas—at huwag muna kayong tatakas—pahintulutan ninyong iparinig ko ang isang paboritong kantang lasing ni Nick, isang Cole Porter song na nilapatan ni Nick ng nationalistic lyrics:

You’re the top,
You’re Mayon Volcano.
You’re the top,
You’re Virgie Moreno.
You’re the sob and sigh of Kabayao’s violin,
You’re lechon de leche,
You’re escabeche,
You’re Nick Joaquin!

Babay, Nick. Ikumusta mo na lang kami kay San Miguel.


Jose F. Lacaba
Cultural Center of the Philippines
2004 Mayo 2