Saturday, May 23, 2009

POESIYA: Halaw kay William Wantling

POESIYA

Ni Jose F. Lacaba
Halaw kay William Wantling


Tatapatin kita. Kaya kong
gumawa sa pana-panahon

ng mga awiting maindayog at
humabi ng magagandang katagang

pag narinig mo'y mapapatulala ka
sa paghanga--pero, ewan ko,

ang lumalabas ay laging peke.
Parang walang silbi kung minsan

ang tugma at sukat at talinghaga
kung kailangang isalin sa papel ang

totoo, ang tinatawag nating
tunay na buhay. Tulad noong isang

araw. Noong isang araw naroon ako
sa may gulayan namin dito

sa Munti at itong punyetang si
Turko ay lumapit sa karantso namin

at ang sabi, Erning, balita ko
tinitirya mo ang bata ko. Sabi naman

ni Erning, E, ano ngayon? At naglabas
si Turko ng tusok at tinira

si Erning, kaya lang itong si Erning
ay may trey pala sa loob ng kamiseta.

Tumalbog ang tusok ni Turko at
inilabas ni Erning ang tusok niya at

siyempre wala namang trey si Turko at
nahagip siya sa gitna ng dibdib, grabe,

pare, at bumulwak ang dugo sa kanyang
mga labi, pulang-pula, galing

sa baga, at humiga siya sa petsay
at sabi, Tangna. Hindot. Puuutangina.

Hindot. At nagtatawa siya, matagal,
marahan, hanggang mamatay. Ano

ang magagawa ng tugma at sukat at kahit
talinghaga sa ganyang kalintikan?


-----------
Mula sa kalipunan kong Sa Panahon ng Ligalig (Anvil Publishing, 1991).

William Wantling


Ang tulang ito ay isa sa walong tula ko na binasa ko noong Mayo 15, 2009, nang maimbita akong magbigay ng short talk with poetry reading para sa mga medium-security prisoners sa Camp Sampaguita ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa, Metro Manila. Ang nasabing mga bilanggo ay mga estudyante ng isang “kolehiyo sa loob ng kulungan” ng Camp Sampaguita. Ang aking maikling pananalita at pagbabasa ng mga tula ay inisponsor ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at National Book Development Board (NBDB), bilang bahagi ng kanilang programang UNLAK, o UMPIL-NBDB Lakbay-Awtor para sa Kabataan. Sinamahan ako sa Bilibid nina Mike Coroza ng UMPIL at Bong Versoza ng NBDB.

Nagkataon na ngayon ding buwan ng Mayo—specifically, sa petsang Mayo 2—ang ika-35 anibersaryo ng pagkamatay ng makatang Amerikanong si William Wantling, may-akda nitong tulang hinalaw o inadapt ko.

Ang tulang “Poetry,” ang orihinal sa Ingles ni William Wantling, ay mababasa dito:
http://www.uiowa.edu/~c008055/introductorypoems.html

Si Wantling, na ipinanganak noong Nobyembre 23, 1933, ay isang dating Marine na nasugatan sa digmaan sa Korea at nang bumalik sa Estados Unidos ay nalulong sa droga. Possession ng droga isa sa mga naging dahilan ng pagkakakulong niya nang limang taon at kalahati sa San Quentin Prison, at overdose sa droga ang naging dahilan ng pagkamatay niya noong 1974 sa edad na 41.

Bagamat hindi kasing-sikat nina Allen Ginsberg at Lawrence Ferlinghetti, si Wantling ay kinikilala na isa sa mga nangungunang Beat poets. Ayon sa manunulat na si Yann Lovelock: “Amidst a life of petty crime and psychic disturbances, [Wantling] made a name for himself as one of the most respected poets of the underground, writing directly out of his experience. He was Kerouac’s hipster saint incarnate…. He is Mailer’s ‘White Negro,’ the violent product of intolerable times and conditions whose unrestrained reaction against them will ultimately destroy the state of directed violence we call by the name of civilisation.”

Mababasa dito ang artikulo ni Yann Lovelock tungkol kay William Wantling:
http://www.poetrymagazines.org.uk/magazine/record.asp?id=5743

2 comments:

ice said...

Ang ganda sir. Ng paghalaw at ng orihinal na akda.

Nitong mga panahon ng pag-aalinlangan, naalala ko naman ang tula ni Neruda:

"You will ask: And where are the lilacs
and the metaphysics petalled with poppies
and the rain repeatedly spattering
its words, filling them with holes and birds?
You will ask why his poetry
Does not speak of dreams and leaves,

And of the great volcanoes of his birthplace?

Come and see the blood in the street.
Come and see
The blood in the streets.
Come and see the blood
In the streets!"

Ka Pete said...

Ipo-post ko na rin ang matagal ko nang ginawang salin ng tulang iyan ni Neruda.