Sunday, February 15, 2009

2 tulang pang-Valentine: SA MGA UMAGA, SA MGA GABI


SA MGA UMAGA

Sa mga umagang tinatanghali ako ng gising,
inaabrasador ko ang iyong unan,
at marahang pinaplantsa ng bukas kong palad
ang gusot sa kama na iniwan ng iyong katawan,
at pagkatapos ay iginuguhit
ng isang daliri sa kama
ang memoryadong balangkas at hugis
ng iyong balikat, at baywang, at balakang.

Sa mga umagang tinatanghali ako ng gising,
mananatili ako sa kama, ninanamnam
ang gunita ng mga gabing nagdaan:
maaaring inunan mo ang aking dibdib,
dito, sa pagitan ng puso at kanang braso,
at nalanghap ko ang samyo
ng iyong buhok,
at maaaring inalis ko ang ilang hibla
na pumasok sa aking bibig,
kumiliti sa aking mga mata,
at maaaring hinaplos ko ang iyong buhok,
ang napakakinis mong buhok na tuwing umaga’y
nilalagyan mo ng langis ng niyog.

Sa mga umagang tinatanghali ako ng gising,
hinuhulaan ko kung saan ka naroroon:
maaaring sa likod-bakuran, winawalis
ang mga tuyong dahon ng makopa; o maaaring
sa kalsada, naglalakad nang mabilis,
hinahabol ang araw, nagpapapawis,
paminsan-minsa’y humihinto para magbunot
ng pansit-pansitan sa gilid ng daan;
o maaaring nakarating na ng bahay
at matiyagang nililinis ang pansit-pansitan,
tinatanggalan ng ugat, inaalisan ng lupa,
bago pakuluan ang dahon at tangkay.

Tiyak na pagtayo ko’y isusumbat mo sa akin,
habang hinihigop mo ang sabaw ng pansit-pansitan,
na marami ka nang nagawa
--nakapaglaba, nakapaglinis, nakapagsaing--
habang ako’y nag-iinin sa higaan.
Subalit ang mga gunita ng mga gabing matalik
ay mga gunitang sumasalag sa anumang sumbat.
Huwag kang magagalit kung hindi ko
inaalintana ang sumbat
sa mga umagang tinatanghali ako ng gising.



SA MGA GABI

Sa mga gabing inuumaga ako ng higa,
ipinapahinga ko ang bukas kong palad
sa nahihimbing mong hita,
at ang makinis mong balat ay parang
isang baso ng malamig na tubig
sa tanghaling tapat ng isang tag-init,
pumapayapa sa balisa kong isip.

Pero may mga gabing ang tubig
ay parang panghilamos na pumupukaw,
at ang palad sa halip na mapayapa’y
gumagapang, gumagala, inaalihan
ng di-inaasahang pagnanasa.

Kung tulog na tulog ka na,
para kang maliligalig
ng isang masamang panaginip,
at papalo ang kamay mo sa kamay ko,
hampas kontra haplos, parang pumapalis
ng gagamba o butiki o ipis
na naligaw sa loob ng kulambo.
Hindi ko na gagambalain ang iyong pagod;
wala akong mahihita.

Pero kung mababaw ang tulog mo,
a! kung mababaw ang tulog mo,
haplos ang sumasalubong sa haplos,
at ipinauunawa ng
naaalimpungatang pawis
sa nauutal
na hingal
kung bakit hanggang ngayon,
pagkaraan ng dalawampung taon,
ang palad ko’y humihimlay sa nahihimbing mong hita
sa mga gabing inuumaga ako ng higa.


--JOSE F. LACABA

Unang nalathala sa
EDAD MEDYA: MGA TULA SA KATANGHALIANG GULANG
(Anvil Publishing, 2000).
Muling nalathala sa
KUNG BAGA SA BIGAS: MGA PILING TULA
(University of the Philippines Press, 2002; pangalawang limbag 2005).

1 comment:

litstimon said...

he he he malikot na palad, dapat pamagat sa tula mo parekoy ay Ang aking Pagnanasa ha ha ha.