Ito ang ikalawang tula ko na ginamit sa proyektong Tulaan sa Tren. Ang nagrekord naman nito ay ang young star na si Matt Evans.
Kung hindi ako nagkakamali ay nasa kolehiyo pa ako nang sulatin ko ito, bandang 1963 o 1964. Ang Pateros noon ay isa pang munisipalidad sa probinsiya ng Rizal. Ngayon ay bahagi na ito ng Metro Manila, at hindi mo na makikita ang Ilog Pateros sa kakapalan ng waterlily na tumatakip sa tubig. (Ako naman, natuto ring lumangoy--noong may asawa't anak na ako. Sa dagat at swimming pool na ako natuto.)
AWIT SA ILOG PATEROS
Tagailog ay di natutong lumangoy:
sa hiya’y matinis itong aking taghoy.
O Ilog Pateros, agos na marahan,
ang paliwanag ko ay iyong pakinggan.
Oo, kung umagang bagong gising tayo,
ginto kang gayuma sa mga tulad ko,
at sa hapon naman, paghimlay ng araw,
ang lambong mo’y pilak na nakasisilaw.
Pero sa pagitan ng umaga’t gabi,
ano ang iyong maipagmamalaki?
Putik kang malapot, tahanan ng suso,
lubluban ng kalabaw, tinta ka’t tanso.
Waterliling ugat ay makutong buhok,
bituka’t atay ng dagang nabubulok,
naglalahong bula ng sabong panlaba,
tae ng tao at tambak na basura--
ito at iba pa, O Ilog Pateros,
ay dalang lagi ng marahan mong agos.
At akong bata pa’y masyadong pihikan,
aasahan bang matuto ng languyan?
-- Jose F. Lacaba
Tulad ng tulang “Ang mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan de la Cruz,” ito’y unang nalathala sa kalipunang Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran: Mga Tulang Nahalungkat sa Bukbuking Baul (Kabbala, 1979; ikalawang edisyon, Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1996). Muli rin itong nalathala sa kalipunang Kung Baga sa Bigas: Mga Piling Tula (University of the Philippines Press, unang limbag, 2002; ikalawang limbag, 2005).
Saturday, October 11, 2008
TULAAN SA TREN: "Kagila-gilalas"
Isa sa mga poster ng TULAAN SA TREN:
Chin-Chin Gutierrez, binabasa ang
EDAD MEDYA, kalipunan ng mga tula ni Jose F. Lacaba
Chin-Chin Gutierrez, binabasa ang
EDAD MEDYA, kalipunan ng mga tula ni Jose F. Lacaba
Kung nakakasakay kayo nitong mga nakaraang buwan sa linyang Santolan (Pasig)-Divisoria ng LRT, maaaring narinig ninyo sa public-address system—sa istasyon at sa loob ng tren mismo—ang ilang tula sa Pilipino at Ingles na binabasa ng mga celebrity. Maaaring nabasa rin ninyo ang ilang excerpts, o siniping linya ng mga tulang iyon, na nakaimprenta sa maliliit na poster na nakapaskel sa loob ng tren.
Bahagi ito ng proyektong tinatawag na Tulaan sa Tren, na inilunsad noong Agosto 9, 2008, ng National Book Development Board (NBDB) at ng Light Rail Transit Authority (LRTA). Layunin ng proyekto na ilapit ang panulaang Pilipino sa publikong sumasakay sa tren. Ayon kay Attorney Andrea Pasion-Flores, NBDB executive director: “We hope that not a few of the people who experience the poems realize that Philippine literature is something we can all be proud of, and that they will look up the authors, whose works we featured, to discover more treasures.”
Kabilang sa mga celebrity na nagrekording ng mga tula sina Edu Manzano, Miriam Quiambao, Nikki Gil, Matt Evans, Lyn Ching-Pascual, Romnick Sarmienta, Rhea Santos, Christine Bersola-Babao, Chin-Chin Gutierrez, and Harlene Bautista.
Kabilang naman sa humigit-kumulang sa 33 makatang may tulang nasali sa proyekto sina Nick Joaquin, Rio Alma, Bienvenido Lumbera, Gemino H. Abad, Amado V. Hernandez, Danton Remoto, Emmanuel Torres, Federico Licsi Espino Jr., Jesus Manuel Santiago, Lamberto Antonio, Marjorie Evasco, Rogelio Mangahas, Teo Antonio, Vim Nadera, at Marra PL. Lanot. Kasama din siyempre si Jose F. Lacaba, na sa list of authors (arranged alphabetically by first name) ay napagitnann nina Jose Corazon de Jesus, sa isang banda, at nina Jose Garcia Villa at Jose Rizal, sa kabilang banda.
Narito ang isa sa mga tula kong kasali sa Tulaan sa Tren, binasa ni Romnick Sarmenta. Nang humingi ang NBDB ng permiso na isali ang tulang ito, tinanong ko sila sa email: “Are you sure you want ‘Kagila-gilalas’? For one thing, it's a long poem, and I’m not sure it will fit into your train posters. For another thing, it contains the word ‘libog,’ so it might not be considered for general patronage, and the LRT might get into trouble with pro-censorship groups.”
Excerpts nga lang ng tula ang inilabas sa posters, pero, in fairness, nirekord nila ang buong tula, kasama ang salitang “libog.”
ANG MGA KAGILA-GILALAS
NA PAKIKIPAGSAPALARAN
NI JUAN DE LA CRUZ
Isang gabing madilim
puno ng pangambang sumakay sa bus
si Juan de la Cruz
pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
BAWAL MANIGARILYO BOSS
sabi ng konduktora
at minura
si Juan de la Cruz.
Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
nilakad ni Juan de la Cruz
ang buong Avenida
BAWAL PUMARADA
sabi ng kalsada
BAWAL UMIHI DITO
sabi ng bakod
kaya napagod
si Juan de la Cruz.
Nang abutan ng gutom
si Juan de la Cruz
tumapat sa Ma Mon Luk
inamoy ang mami siopao
hanggang sa mabusog.
Nagdaan sa Sine Dalisay
tinitigan ang retrato ni Chichay
PASSES NOT HONORED TODAY
sabi ng takilyera
tawa nang tawa.
Dumalaw sa Kongreso
si Juan de la Cruz
MAG-INGAT SA ASO
sabi ng diputado.
Nagtuloy sa Malakanyang
wala namang dalang kamanyang
KEEP OFF THE GRASS
sabi ng hardinero
sabi ng sundalo
kay Juan de la Cruz.
Nang dapuan ng libog
si Juan de la Cruz
namasyal sa Culiculi
at nahulog sa pusali
parang espadang bali-bali
YOUR CREDIT IS GOOD BUT WE NEED CASH
sabi ng bugaw
sabay higop ng sabaw.
Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
naglibot sa Dewey
si Juan de la Cruz
PAN-AM BAYSIDE SAVOY THEY SATISFY
sabi ng neon.
Humikab ang dagat na parang leon
masarap sanang tumalon pero
BAWAL MAGTAPON NG BASURA
sabi ng alon.
Nagbalik sa Quiapo
si Juan de la Cruz
at medyo kinakabahan
pumasok sa simbahan
IN GOD WE TRUST
sabi ng obispo
ALL OTHERS PAY CASH.
Nang wala nang malunok
si Juan de la Cruz
dala-dala'y gulok
gula-gulanit na ang damit
wala pa ring laman ang bulsa
umakyat
sa Arayat
ang namayat
na si Juan de la Cruz.
WANTED DEAD OR ALIVE
sabi ng PC
at sinisi
ang walanghiyang kabataan
kung bakit sinulsulan
ang isang tahimik na mamamayan
na tulad ni Juan de la Cruz.
---Jose F. Lacaba
Unang nalathala ang tulang ito sa kalipunang Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran: Mga Tulang Nahalungkat sa Bukbuking Baul (Kabbala, 1979; ikalawang edisyon, Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1996). Muling nalathala sa kalipunang Kung Baga sa Bigas: Mga Piling Tula (University of the Philippines Press, unang limbag, 2002; ikalawang limbag, 2005).
Subscribe to:
Posts (Atom)