Sunday, November 20, 2016

LITANYA NG DALITA

Nang ilibing nitong nakaraang Nobyembre 18 ang wax replica o anuman iyon sa Libingan ng mga Bayani at ni Marcos (LBM, sa madaling salita), may nakapagpaalala sa akin ng tulang ito.

Isa itong nirebisa at pinaikling bersiyon, isang halaw o adaptation, ng tula kong "In Memoriam," na naipost ko na nang dalawang beses sa kapetesapatalim blog (2009 at 2013). Dito sa "Litanya ng Dalita" ay tinanggal ko na ang unang dalawang bahagi ng orihinal na tula, na pinalitan ko ng mas maikling intro; at sa ikatlong bahagi naman ay pinalitan ko ang isang inuulit-ulit na linya: "Kaawaan, patawarin, Panginoon," na linyang hiniram ko sa isang orihinal na litanya na dinadasal sa mga burol noong araw, lalo na kung ang burol ay sa bahay ginagawa, sa halip na sa punerarya. Ang ipinalit kong linya: "Kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko."

Ginawa ko ang halaw na ito, kung hindi nagkakamali ang aking senior-citizen memory, para sa isang kongreso ng isang samahang manggagawa--Kilusang Mayo Uno yata. Binigkas at itinanghal ito ng isang cultural o theatrical group, baka ang grupo ni Behn Cervantes na nagpauso ng dula-tula.


-->

Litanya ng Dalita

Halaw sa “In Memoriam”


Tula ni JOSE F. LACABA


Sa tuwi-tuwina’y naririnig ko
sa maputik na landas at mabuway na andamyo
ang mga tinig na lipos ng hinagpis at galit,
mga tinig na hinuhugot sa baradong lalamunan,
mga tinig na nagpupumiglas sa nagsisikip na dibdib,
itinataghoy ang litanya ng dalita
sa isang panahon ng ligalig:

Alang-alang sa masaganang dugo
na bumulwak sa batok na pinasok ng punglo,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa sampal,
suntok, dagok, kulata, pangunguryente ng bayag,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa masakit na hampas
ng batuta sa likod at ng tubo sa balakang,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa alambreng tinik
na iginapos nang mahigpit sa tuhod at hita,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa pagkaladkad sa lansangan
ng bangkay na inihulog nang walang kabaong sa hukay,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa nagitlang mukha
ng buntis na tinadtad ng bala ang tiyan,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa damit na natigmak ng dugo
at pinaknit sa katawan ng ginahasang puri,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa nilalangaw na katawan
at pugot na ulong itinulos sa libis ng nayon,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa mga kamay na pinutol
para hindi na kailanman makapagpaawit ng gitara,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa tagilirang binuksan
at pinagpasakan ng utak mula sa biniyak na bungo,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Sa panahon ng paggawad na katarungan,
sa panahon ng paniningil ng utang,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?