Saturday, September 11, 2010

Tula: DALAW SA HIROSHIMA

Noong taong 2000, buwan ng Pebrero, kami ng kabiyak kong si Marra PL. Lanot ay nagpunta sa Japan bilang lecturers sa ika-9 na Takeshi Kaiko Memorial Asian Writers’ Lecture Series. Ang lecture series ay ipinangalan kay Takeshi Kaiko (1930-1989), isang kilalang nobelistang Hapones. Ang aming lecture series, na pinamagatang “Writers as Citizens: The Perspectives of Marra PL. Lanot and Jose F. Lacaba,” ay inisponsor ng Japan Foundation Asia Center.


Actually, poetry reading tour ang ginawa namin, at ang lectures ay pumasok na lang sa open forum pagkatapos naming magbasa ng mga tula namin sa Pilipino, na isinalin sa Hapon.


Ang mga siyudad na bahagi ng poetry reading tour ay Tokyo, Osaka, at Hiroshima. Dito sa huli, sa siyudad na hinulugan ng bomba atomika noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinasyal kami sa Hiroshima Peace Memorial Museum, at isa sa hindi ko malimutang display sa museo ay ang hagdang bato na may nakatatak na anino. Sa website ng museo, ito ang nakasulat na paliwanag tungkol sa aninong iyon:


http://www.pcf.city.hiroshima.jp/outline/index.php?l=E&id=31

Damage by the Heat Rays

Human shadow etched in stone

“These stone steps led up to the entrance to the Sumitomo Bank Hiroshima Branch, 260 meters from the hypocenter. The intense atomic heat rays turned the surface of the stone white, except for a part in the middle where someone was sitting. The person sitting on the steps waiting for the bank to open received the full force of the heat rays directly from the front and undoubtedly died on the spot.”


Mula sa

http://www.culture24.org.uk/history+%26+heritage/war+%26+conflict/world+war+two/art14898


Pag-uwi namin sa Pilipinas ay nasulat ko ang tulang ito, na dapat ay ipinost ko noon pang Agosto 6, ika-65 na anibersaryo ng pagbomba sa Hiroshima.



Dalaw sa Hiroshima


Ang gunita ay isang aninong

nakatatak sa hagdang bato

sa lunsod ng Hiroshima.


Ang lalaking pinagmulan ng anino’y

agad na naging alabok sa kinauupuan

nang bumagsak ang bomba sa Hiroshima.


Pero naiwan ang kanyang anino, nakadikit

sa inupuang bahagi ng namuting hagdang bato

sa guho ng Hiroshima.


Ang gunita ay isang digmaang

nagwakas na nang ako’y ipanganak

tatlong buwan pagkaraan ng Hiroshima.


Pero hanggang ngayo’y nakatatak ang digmaan

sa utak ng bayan ko, kalahating siglo pagkaraan

ng malupit, mahabang gabi na mistulang Hiroshima.


Sa loob ng Museo sa Alaala ng Kapayapaan

sa bagong lunsod ng Hiroshima,

nagkiskis ang dalawang batong-buháy na gunita


at nagliyab sa lalamunan ko ang poot at awa.

Sa labas ng museo, nag-alay kami ng aking kabiyak

ng tahimik na dalangin at bulaklak.


Sa aming ulunan, palutang-lutang ang mga uwak.


--Jose F. Lacaba