Edna St. Vincent Millay
Tagsibol
Ano ang dahilan, Abril, at muli kang bumabalik?
Hindi sapat ang kagandahan.
Hindi mo na ako mapatatahimik sa kulay
Ng mumunting dahong bumubukadkad nang malagkit.
Alam ko ang alam ko.
Mainit ang araw sa aking leeg habang pinagmamasdan ko
Ang mga tinik ng rosas.
Kawili-wili ang amoy ng lupa.
Malinaw na walang kamatayan.
Pero ano ang ibig sabihin niyan?
Ang utak ng tao’y hindi lamang sa loob ng hukay
Kinakain ng uod.
Ang mismong buhay
Ay walang kabuluhan.
Tasang walang laman, hagdang walang patutunguhan.
Hindi sapat na taon-taon, sa bur¢l na ito,
Bumababa ang Abril,
Parang baliw na nagdadadakdak, naghahasik ng bulaklak.
Salin ni Jose F. Lacaba
Mula sa kalipunan kong SA DAIGDIG NG KONTRADIKSIYON: MGA SALING-WIKA (Anvil Publishing, 1991).
Salin ng tulang “Spring.” Mababasa ang orihinal na tula dito:
http://www.poetry-archive.com/m/spring.html
Sa hindi ko malamang dahilan, ayaw gumana ngayong araw na ito, huling araw ng Abril 2010, ang "Add Image" feature ng blogger.com, kaya hindi ko maisama sa post ko ang larawan ng makatang Amerikano na si Edna St. Vincent Millay. May black-and-white photo niya dito:
http://www.english.illinois.edu/maps/poets/m_r/millay/millay.htm
Friday, April 30, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)