Monday, July 13, 2009

TULA: PATEROS 1965

Noong Oktubre 2008 ay ipinost ko ang tula kong “Awit sa Ilog Pateros,” na ginamit sa proyektong Tulaan sa Tren. Hanggang ngayon ay may mga estudyanteng nagko-comment pa tungkol sa tulang ito, dahil inilathala pala ito sa teksbuk na Pluma 3, na ginagamit sa third year high school. Wala akong kopya ng librong ito sa aking library, kaya hindi ko alam kung ang mga gumawa ng Pluma 3 ay humingi ng permiso o nagbayad sa paggamit ng tula ko.

Sa ano’t anuman, eto ang isa pang tula tungkol sa Pateros.

Tulad ng tulang “Awit sa Ilog Pateros,” ito’y unang nalathala sa kalipunang Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran: Mga Tulang Nahalungkat sa Bukbuking Baul (Kabbala, 1979; ikalawang edisyon, Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1996). Ngayon lang ito muling malalathala.

Nasa pamagat kung kailan ko sinulat ang sonetong ito: 1965. Sa taong iyon ako dapat gumradweyt ng AB English, pero nag-dropout na ako sa Ateneo de Manila pagkatapos ng unang semester ng schoolyear 1964-65. Hindi ko lang matiyak kung sinulat ko ito noong nagtatrabaho na ako sa Philippines Free Press. September 1965 yata ako nagsimula doon.


PATEROS 1965


Hindi humihiyaw ang hanging amihan
pagdala ng dahon sa bintanang bukas.
Patuyuing kahoy ay nakasalansan
sa tabi ng kalyeng winalis maingat.

Tahimik umakyat ang usok ng siga,
magdaang kalesa’y ayaw magmadali,
at ang punongkahoy lang ang gumagawa
ng kaunting ingay, na di naman tili.

Dito, ang matinding sigaw ng panganib,
ang pampasilakbo ng buhay na dugo,
ang apoy ng tula, ay di maririnig.

Hindi man kusa ang pagpasok ko rito,
ito’y tinatanggap ko nang buong-puso.
Pero hinahanap-hanap ko ang gulo.

-- Jose F. Lacaba