Saturday, March 28, 2009
2 AWIT MULA SA SISTER STELLA L
Ngayong 2009 ang silver anniversary o ika-25 anibersarsyo ng pelikulang Sister Stella L., na unang ipinalabas noong Hulyo 1984. Produksiyon ito ng Regal Films na dinirek ni Mike de Leon at starring sina Vilma Santos, Jay Ilagan, Gina Alajar, Laurice Guillen, Tony Santos, at Liza Lorena.
Credited sa screenplay: Jose F. Lacaba, Mike de Leon, Jose Almojuela. Ang nangyari ay sumulat ako ng first-draft screenplay na na-shelve. Wala pang malinaw na prodyuser noon. Ang tanda ko, nang ipasiya ni Lily Monteverde ng Regal Films na saluhin ang proyekto, out of the country ako at ang pinagkakaabalahan ko pa ay ang screenplay ng Kapit sa Patalim (shown later as Bayan Ko: Kapit sa Patalim), kaya hindi ako available para mag-revise at mag-condense ng sobrang mahabang first-draft screenplay. Si Mike na at ang kanyang assistant director na si Jose "Peping" Almojuela ang nag-finalize ng script.
Nitong nakaraang Marso 20, 2009, muling ipinalabas ang Sister Stella L. sa Cine Adarna, ang Film Center ng University of the Philippines. Ang sponsors ng palabas at ng programang pinamagatang "Sister Stella L.@25: Tuloy ang Pakikibaka" ay ang Film 280 Class ("Philippine Film Industry") ng UP Film Institute at ang Vilma Santos Solid International (VSSI). Naging okasyon iyon para magreunion ang mga artistang sina Vilma, Laurice, Raquel Villavicencio, at Rody Vera, at ilang naging involved sa produksiyon, kabilang sina Lily Monteverde, producer; Cesar Hernando , production design; Ding Achacoso, musical direction; Fernando Modesto, art direction; Amy Apiado, production coordinator; Ellen Ongkeko, script supervisor and additional dialogue (direktor na rin ng pelikula ngayon); at Peping Almojuela at ang inyong lingkod, screenplay. Wala ba akong nakalimutan?
Tatlong kanta ang ginamit sa Sister Stella L. Ang isa, "Manggagawa," na kinanta ni Rody Vera sa pelikula (at sa programa noong Marso 20), ay ikini-credit sa akin kung minsan, pero ang talagang sumulat ng lyrics niyon ay si Peping Almojuela, at kay Ding Achacoso ang musika. Ang mga kantang ginawan ko ng lyrics (kinanta ni Pat Castillo, kay Ding Achacoso din ang musika), ay ang sumusunod.
2 Awit na Pampelikula
Mula sa Sister Stella L. (1984)
Titik: Jose F. Lacaba
Himig: Ding Achacoso
1.
SANGANDAAN
Walang komplikasyon
Ang buhay mo noon:
Kalooban mo’y panatag,
Kalangitan ay maliwanag,
Ang daan ay tuwid at patag
Sa buhay mo noon.
Ngunit bawat pusong naglalakbay,
Dumarating sa sangandaan:
Ngayong narito ka,
Kailangang magpasiya.
Aling landas ang susundin ng puso?
Saan ka liligaya, saan mabibigo?
Saan ka tutungo?
Kay daling sumunod
Sa hangin at agos:
Aasa ka na ang dalangin,
Gagabay sa ‘yong damdamin.
Ngunit saan ka dadalhin
Ng hangin at agos?
Alam mong bawat pusong nagmamahal,
Dumarating sa sangandaan:
Ngayong narito ka,
Kailangang magpasiya.
Aling landas ang susundin ng puso?
Saan ka liligaya, saan mabibigo?
Saan ka tutungo?
2.
ALING PAG-IBIG PA
Aling pag-ibig pa
Ang hihigit kaya
Sa pag-ibig ko sa iyo,
Bayan ko?
Sa hirap at ginhawa,
Sa ligaya’t dalita,
Ako’y kasa-kasama mo.
Kung ang gintong palay
Ay kumakaway,
Katabi mo ako sa bukid,
Bayan ko.
Kung tigang ang lupa
At di ka makaluha,
Ako ang magdidilig.
Kung ang bulaklak
Ay humahalimuyak,
Igagawa kita ng kuwintas,
Bayan ko.
Kung namiminsala
Ang bagyo’t baha,
Ako’y may kubong ligtas.
May pag-ibig pa bang
Higit na dakila
Sa pag-ibig ko sa iyo,
Bayan ko?
Wala na nga, wala.
Wala na nga, wala.
Wala na nga, wala.
Nalathala sa aking kalipunan ng mga tula, SA PANAHON NG LIGALIG, Anvil Publishing, 1991.
Footnotes, 25 years later:
1. Ang isang linya sa kantang "Sangandaan"--"Saan ka tutungo?"--ay idinagdag ni Ding Achacoso dahil parang bitin daw ang ginawa kong lyrics.
2. Ang "Aling Pag-ibig Pa?" ay isa sa mga kantang sinulat ko para sa isang "Brechtian musical" o "Brechtian zarzuela" na gagawin sana namin nina Mike de Leon at Ding Achacoso as an independent film (although hindi pa uso noon ang terms na indie at alternative). Set sa panahon ng Hapon ang istorya, pero malinaw sa amin na panahon ng martial law ang talagang pinapaksa namin. Natapos ko ang lyrics ng lahat ng kanta, at saka ang sequence guide, pero na-shelve din ang proyektong ito. Iniisip namin ni Ding na ituloy as a stage play, kung may maglalakas-loob na magpondo.
3. Ang mga panimula at pangwakas na linya ng "Aling Pag-ibig Pa?" ay hiniram o ninakaw ko sa "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa" ni Andres Bonifacio. Sa loob-loob ko, hindi naman siguro magagalit si Ka Andres.
4. Ang uncredited story idea at unang storyline (sa probinsiya ang setting, sa halip na siyudad), na siyang pinagkunan ko ng inspirasyon ng ginawa kong storyline at first-draft screenplay, ay galing kay Mon Isberto, na ngayo'y isa nang top executive sa Smart at pati yata sa PLDT.
Subscribe to:
Posts (Atom)